Matinding trahedya ang nangyari sa kamakailan sa South Korea na mahigit 150 katao ang nasawi sa tinatawag na "crowd crush." Paano nga ba ito maiiwasan at ano ang maaaring gawin para makaligtas kapag naipit sa ganitong sitwasyon? Alamin.
Sa programang "Unang Balita," ipinaliwanag ng Safety and Crowd Management Expert na si Martin Aguda Jr., na tatlo hanggang apat na tao lang kada square meter ang normal at ligtas na crowd density.
Timeline of a disaster: Seoul’s fatal crowd crush
“Ito ang recommended natin na spacing kapag sa standing audience. So kung makikita natin, mayroon siyang arm's length pa. Kaya niya pa at pupupuwede pang makakilos 'yan,” paliwanag ni Aguda.
“Kapag umabot sa seven persons per square meter ito ‘yung tinatawag nating critical crowd density. So, a sudden push from the back o biglang takbuhan [maaaring magkaipitan ang mga tao],” dagdag niya.
Ayon sa mga eksperto, may tatlong factor bago mangyari ang crowd crush. Ang mga ito ay:
- overcrowding;
- wave o movement ng isang tao sa masikip na lugar at;
- crowd collapse o ang unti-unting pagbagsak ng mga tao.
“Imagine a force coming from a far end of the crowd. Once na-force ‘yan at nakita natin ang kanilang chess and torso ay compress, ang mangyayari niyan wala silang inhalation and exhalation," ayon kay Aguda.
Sa ganitong sitwasyon, sinabi ni Aguda na puwedeng mahilo ang taong mahina ang pangangatawan dahil sa kakulangan ng oxygen sa kaniyang katawan.
"Maaaring iilalim [ang tao], at ang crowd ay mag-move forward na hindi nalalaman ng iba kung ano ang nangyayari sa harap,” patuloy ni Aguda.
“The crowd will behave like fluid, parang tubig. At aagos ito kung saan siya pupuwedeng umagos. So napakadelikado because people will lose balance. Dito posibleng ma-trample ang tao, matapakan at ang proseso niyan at patuloy na mangyayari habang may tulak na nanggagaling sa different directions,” aniya pa.
Ang kadalasan ng pagkawala ng malay ng mga nasa gitna ng crowd crush at stampede ay tinatawag na “compression asphyxia.”
“Dibdib po mismo ang naipit at ang baga ay hindi maka-expand, dahilan na hindi makatanggap ng oxygen ‘yung baga. ‘Yung pagkaipit na ito nagdulot ito sa hirap ng pagdaloy ng dugo papunta sa utak,” paliwanag naman ni Internal Medicine Dr. Kristoffer Solis.
Upang makaligtas sakaling maipit sa critical crowd density o sa maraming tao, sinabi ni Aguda na maaaring subukan ang “boxer’s pose” para maprotektahan ang dibdib.
“Just in case naiipit ka, you can push forward at the same time, hindi ka rin nakaka-crush. Kung maitulak, makakapag-adjust ka dahil protektado ang iyong chest,” sambit niya.
Giit pa ni Aguda, maiiwasan ang crowd crush at stampede sa pamamagitan ng good crowd management plan.
Nagsisimula raw ito sa risk assessment sa venue ng social gathering, sa crowd at profile ng event.--FRJ, GMA Integrated News