Depektibong piso na maaaring maging P10,000?  Posible nga bang maibenta sa mas mahal na halaga ang mga papel na salapi at barya na may mali sa pagkaka-imprenta o ang tinatawag na error coins at bank notes?

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho,"  sinabi ni Mario “Jojo” Lucero, nagba-buy and sell ng error coins at bank notes, na totoo na naibebenta ang mga ito nang higit sa kanilang face value.

“Mas malaki ang halaga niya kaysa sa face value po niya. Depende ‘yun sa pagka-error niya. Mas maraming error, mas mahal,” sabi ni Lucero.

Bilang kolektor, umabot na umano sa 18 ang nakatagong error banknotes ni Lucero. Ilan dito ang P50 bill na walang mukha, banknote na walang serial number, P20 na misprint o mali ang pagka-imprenta, P100 na parang kupas ang mukha, P500 na butterfly cut at isang P50 bill na mayroong multiple errors tulad ng maling pirma at imprenta.

“Nag-umpisa po ako sa P5,000 ang puhunan ko hanggang sa lumago nang lumago. Ngayon po namumuhunan na ako ng P300,000,” aniya.

Online umano ang bentahan ng mga error coins at bank notes, at paunahan sa pag-comment ng pinakamalaking bid ang mga collector.

“Kumikita po ako ng P30,000 to P50,000 monthly,” dagdag ni Lucero.

Ayon naman sa isang numismatist o kolektor ng barya at mga salapi na si Calvin, maaari pang tumaas ang value ng error coins at bank notes depende sa quality nito at sa klase ng mali na mayroon.

“‘Yung value nito tumi-triple. Minsan times five pa nga. Depende sa quality…once naman na-determine ni grading na legit, puwedeng mag-triple ang presyo depende sa gaano kahirap ang error,” sabi ni Calvin.

Maaari na papalitan ang mga error coins at banknotes sa bangko. Hindi rin umano ipinagbabawal ang patuloy na paggamit nito.

“Pag binigay mo sa bangko ‘yan, papalitan ng bangko ‘yan in denomination is kapalit. Pag ginagawa ang pera, milyong-milyong piraso ‘yan, imposibleng walang defective,” ani Walter.

Hinihikayat naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang publiko na i-surrender ang mga depektibong perang papel at barya sa mga bangko, at ipadadala ang mga ito sa kanilang Currency Policy at integrity Office. --FRJ, GMA News