Hirap bang umunawa ng mga nauuso ngayong Gen-Z words tulad ng "6AL", "Forda Ferson" at "Apolo10"? Huwag mag-alala dahil ang isang content creator, may tutorial kung paano maiintindihan ang mga ito.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood ang ilang Tiktok videos ni Grace Cieleen Co o mas kilala bilang si Tita G ng pagpapaliwanag niya ng Gen-Z words.
Tulad na lamang ng "6AL" na hindi "six-al" o "gal" ang pagbasa, kundi "anim-al" na tumutukoy sa salitang animal.
Ang "X26" naman ay hindi "multiply by 26" o "size 26."
Ang kahulugan ng "x" ay "hindi" samantalang ang "26" o "two-six" naman ay katunog ng "toxic," kaya ang ibig sabihin ng "X26" ay "hindi toxic."
Ayon kay Tita G, maraming nahihirapan na makasunod sa mga nauusong salitang Gen-Z kaya binibigyan niya ito ng detalyadong paliwanag.
Dagdag niya pa, lagi siyang curious kung saan nagmula o kung paano nabuo ang mga bagong salita kaya may breakdown siya ng mga ito sa kaniyang followers.
Ang "Forda Ferson" naman daw ay simpleng "for the" at ang "ferson" ay "person" na pinalitan lamang ng letrang "F."
Gumagamit na rin paminsan ang mga Gen-Z ng emoji sa kanilang salita.
Tulad na lamang ng serye ng mga violin emojis, na plural na "violins" pero "violence" kung babasahin.
Ang "Apolo10" naman ay pinagsamang "Apolo" at "Diyes" kaya ang kahulugan nito ay "ApoloDiyes" o "Apologist." —LBG, GMA News