Pinagsasabay ng 23-anyos na si Gerome Cuaño ang kaniyang pamamasada ng tricycle at pag-aaral sa kolehiyo para makamit ang pangarap na diploma. Habang nakapila sa terminal sa San Fernando, Pampanga, gumagawa siya ng mga assignment.
Sa programang "Dapat Alam Mo!," napag-alaman na maagang nagkaroon ng sariling pamilya si Cuaño. Pero hindi niya isinuko ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
"Gusto ko po na gawin po akong inspirasyon ng mga kabataan sa lugar namin. Gusto ko po makapag-aral din sila nang maayos," sabi ni Cuaño.
May dalawang anak na si Cuaño kaya handa siyang pasukin ang anumang trabaho. Hanggang sa mauwi siya sa pamamasada ng tricycle.
Sa kaniyang pamamasada, hindi maiwasan ni Cuaño na makaramdam ng inggit sa mga hinahatid niyang estudyante.
"Siyempre naiingit po ako nu'n. Kaya simula po noon nangarap po ako. Nag-ipon po ako nu'n. Kapag kaya ko na po, mag-e-enroll po ako nu'n."
Hanggang sa unti-unting matupad ni Cuaño ang kaniyang pangarap at nakapag-enroll na rin siya sa kolehiyo.
Bilang isang criminology student, ipinagsasabay niya ang pamamasada at pag-aaral, na gumagawa ng kaniyang mga assignment habang nasa pila ng TODA.
Hindi na malayong maabot ni Cuaño ang kaniyang pangarap dahil ginawaran siya ng pinapasukang Gerome ng Our Lady of Fatima University ng Gaward Serviam, at kinakansela na ang kaniyang natitirang balanse sa matrikula.
Makatatanggap din siya ng grant na P5,000 sa ikalawa niyang semester.
"Ang isang taong nangangarap ay walang imposible. Ituloy mo lang kung ano ang gusto mong pangarap at lagi mo lang tatandaan maraming nagmamahal sa paligid mo. Huwag mong isipin ang mga nanghihila sa iyo pababa," sabi ni Cuaño.-- FRJ, GMA News