Posibleng mapagaan ang buhay ng mga diabetic matapos maimbento ng limang estudyante sa Ehipto ang isang glucose monitoring device na hindi na kailangang tusukin at paduguin ang daliri para makakuha ng reading.

Sa Next Now, sinabing hindi na makararamdam pa ng sakit sa pagtusok ang isang diabetic para malaman ang kaniyang blood sugar dahil kailangan lamang isuot sa daliri ang makabagong monitoring device na naimbento.

Gumagamit ng near-infrared spectroscopy ang aparato at nakakabit ito sa isang mobile app kaya mas madali na ang pag-monitor ng blood sugar.

Nanalo ang imbensiyon ng limang estudyante sa isang prestihiyosong kompetisyon sa Amerika.

"Their project is a device that checks glucose levels without invasion, but through light waves. They did it in a very nice way, they developed the prototype and tested it and the prototype has machine learning, artificial intelligence, so the prototype worked well," sabi ni Hassanein Amer ng The American University sa Cairo.

Gayunman, hindi pa mabibili ang naturang disenyo at kailangan pang sumailalim sa mga pagsusuri para matiyak ang accuracy ng device.

Posible namang malaking pagbabago ang maibibigay ng aparato sa buhay ng milyun-milyong diabetics sa buong mundo.-- FRJ, GMA News