Hindi alintana sa isang pamilya sa Cotabato ang panganib sa paghuli nila ng cobra na kanilang hanapbuhay. Pati ang bata sa pamilya, walang takot sa paghawak sa makamandag na ahas.
Sa ulat ng Brigada, na mapapanood din sa Public Affairs Exclusives, sinabing 20 taon nang ginagawa ng padre de pamilya na si "Tonio" ang panghuhuli ng cobra sa Tulunan, Cotabato.
"Nasubukan ko na noong una pa lang. Nasubukan ko nang manghuli ng ahas. Ayon, nagtuloy-tuloy na," sabi ni Tonio.
Katulong ni Tonio sa panghuhuli ng mga cobra kaniyang mga anak na edad lima at walo lang. Ang mga bata, hindi takot sa makamandag na ahas.
Kapag natuklaw, sinabi ni Tonio na langis na mula rin sa ahas ang ipinanggagamot nila rito.
"Natuklaw ako apat na beses na. Wala lang. Gamot 'yan (langis) na pangontra sa ahas. Galing din sa ahas, ipinapahid doon sa nakagat," sabi ni Tonio.
Umaabot sa pitong ahas ang kanilang nahuhuli kada araw kung minsan. Ibebenta nila ang mga ito sa kabilang bayan na kinukuha ang dugo para gawin umanong gamot.
Ipambibili ni Tonio ng pagkain ng kaniyang pamilya ang kinikita sa panghuhuli ng ahas.
Samar Cobra ang uri ng ahas na nahuhuli nina Tonio na makikita sa Visayas at Mindanao. Itinuturing highly venomous spitting cobra ang mga ito.
Gayunman, nakasaad sa batas na ipinagbabawal ang panghuhuli at pagbebenta nito, at ng iba pang wildlife.
Sinabi naman ni Tonio na wala siyang alam na ibang trabaho para matugunan ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Alam din ni Tonio ang panganib na dala ng panghuhuli ng mga ahas. Kaya plano na rin niyang pigilan ang mga anak sa pagsama sa hanapbuhay.
"Mahirap maghanap ng ahas. Buhay mo ang nakataya," sabi ni Tonio. --FRJ, GMA News