Kadalasang dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa ang pakikiapid ng isa sa kanila. Ano nga ba ang nakasaad sa batas tungkol sa pakikiapid at bakit sinasabing mas agrabyado ang mga misis sa pagsasampa ng kaso?
Sa Kapuso sa Batas, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion na adultery ang kaso kapag nakiapid o nakipagtalik sa ibang lalaki ang isang babaeng kasal na.
Pati ang lalaking kalaguyo ni misis, puwede ring kasuhan ng adultery kung sinipingan niya ang babae gayung alam niyang may asawa na ito.
Concubinage naman ang irereklamo sa mga lalaking may asawa na. Pero hindi siya basta-basta mapaparusahan ng batas sa alegasyong nakipagtalik siya sa ibang babae na hindi niya asawa.
Ayon kay Atty. Gaby, mayroon tatlong "qualifying incident" para mapatunayang nagkasala si mister ng concubinage: Una, ang pagbabahay ng kaniyang kalaguyo sa tahanan mismo nila ni misis; pangalawa, ang lalaki ay nakikipagtalik "on scandalous circumstances" o nakikita mismo ng kapitbahay o ibang tao; at pangatlo, isinasama ng lalaki ang kaniyang kalaguyo sa pampublikong lugar na para silang mag-asawa.
Pero hindi pasok ang sitwasyon na sasabihing pinupuntahan ng lalaki ang kaniyang "babae" sa bahay kung saan niya ito itinatago.
"Unfair? Ganito po ang estado ng batas natin sa ngayon," sabi ni Atty. Gaby.
Ang pagtataksil o "sexual infidelity" ay ground para sa legal separation ng mag-asawa, na isang civil case.
Ngunit hindi maaaring magsampa ng legal separation ang mag-asawang parehong nagtaksil dahil pareho silang "guilty" at walang papanigan ang batas.
Sa ilalim ng artikulo 344 ng Revised Penal Code, ang kaso para sa adultery o concubinage ay nagsisimula sa pagsasampa ng reklamo ng naagrabyadong asawa. Ngunit hindi siya papayagang magsampa ng kaso kung pumayag siyang makipagrelasyon sa iba ang kaniyang asawa, o napatawad na niya ito.
Isa sa halimbawa ng pagpapatawad o pardon ay kapag nahuli ng mister ang asawa niya na nakipagtalik sa iba pero pinauwi niya lang ito.
Tunghayan ang buong talakayan sa video. --FRJ, GMA News