Maituturing "OG" o original na photographer o maniniyot ang isang 83-anyos na lalaki sa Cebu, na halos 60 taon nang ginagawa ang kaniyang trabaho. Sa panahon ngayon ng mga smartphone at gadget, may nagpapakuha pa kaya sa kaniya ng litrato gamit ang kaniyang camera?
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Jonathan Andal, sinabing hindi mawawala ang mga litratista o maniniyot sa Basilica Minore del Sto. Niño de Cebu na dinadayo ng mga turista.
Tambay na mula pa noong dekada 80 sa Basilica compound ang lolong maniniyot na si Noe "Nonoy Salvador o Mang Noy. Ang pagkuha ng litrato ng mga turista at deboto sa simbahan ang kaniyang ikinabubuhay.
Tubong Zamboanga si Mang Noy, at dati siyang opisyal na photographer ng Southern Mindanao College. Hanggang sa makarating siya sa Cebu matapos ayain ng kaibigan na maging maniniyot doon.
Ipinagbabawal noon ang mga photographer sa simbahan. Ngunit nang bumisita ang Queen of Visayan Movies na si Gloria Sevilla, ipinatawag si Mang Noy ng mga pari para kumuha ng mga litrato nila.
Magmula noon, pinahintulutan na si Mang Noy na maging maniniyot sa loob at labas ng simbahan. Kumikita siya ng P40 kada araw noong 1980s. Ito ang ipinambuhay niya sa pamilya at ginamit sa pag-aaral ng kaniyang mga anak.
Sa presyong P2 noon, puwede nang magpakuha ng litrato kay Mang Noy. Gayunman, inaabot ito ng isang linggo bago makuha ang larawan.
Ngayon, P50 na ang presyo ng isang shot mula kay Mang Noy pero minuto lang ang hihintayin para makuha ang printed copy larawan.
Nang dumating ang pandemya, at dahil na rin sa makabagong teknolohiya, humina na ang kita ni Mang Noy.
Ayon kay Mang Noy, huminto na rin ang ilan sa mga kasamahan niyang photographer at walo na lang sila ngayon na natitira sa Basilica.
"Mas maganda ito kaysa cellphone. 'Yun ang iba sa aming mga professional photographer," sabi ni Mang Noy, na nagpapasalamat sa mga taong patuloy na tumatangkilik pa rin sa kanila.--FRJ, GMA News