Dahil sa pangangailangan, humahanap ng ibang paraan ang mga tao para makakuha ng pera. Isa na rito ang pagsasangla ng kung anu-anong gamit. Alamin ang isinasaad sa batas tungkol sa nangungutang at nagpapautang pagdating sa pagsasangla.

Sa "Kapuso sa Batas," sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na kadalasang pumapasok sa isip ng mga tao ang mga pawnshop o bahay-sanglaan kapag pagprenda ng gamit ang pinag-uusapan.

Gayunman, kasama sa usapan ng sanglaan ang pagbibigay ng seguridad, gaya ng utang sa kapitbahay, kaibigan o katrabaho.

Ipinaliwanag ni Atty. Concepcion na sa ilalim ng batas, bawal ang "pactum commissorium," o usapan sa umpisa na kapag hindi nakapagbayad ang taong nangutang, ay kukunin kaagad sa kaniya ang bagay na kaniyang isinangla.

Sa mga nagpautang, dapat nilang bigyan ng pagkakataon na makuha ng nangungutang ang bagay na kaniyang isinangla at magbayad ng pera.

Pinahihintulutan naman sa batas ang tinatawag na "dacion en pago," kung saan idinideklara ng nangutang sa due date na ang ari-arian na kaniyang ibinigay bilang seguridad ang kaniya na lamang ipambabayad sa kaniyang inutang.

Kung sa pawnshop naman nagsangla, hindi agad mawawala ang bagay na isinangla kapag hindi nakapagbayad sa due date, sa halip ay bibigyan ang nagsangla ng 90 araw para bumalik at bayaran nang buo ang kailangang bayaran.

Sa gitna ng pandemya, naipatupad ang RA 11057 o Personal Property Security Act, na tungkol sa pagbibigay ng "movable" o personal na ari-arian bilang seguridad sa kanilang mga utang.

Sa ilalim ng batas, maaaring i-register ng nagpapautang ang kagamitan sa Land Registration Authority.

Pero pagdating sa mga usapang magkakaibigan lamang at hindi rehistrado, valid pa rin ito pero siguruhing may kasulatang napagkasunduan, tulad sa aspeto ng interes at kung hanggang kailan dapat magbayad.

Panoorin ang buong talakayan tungkol sa pagsangla sa video.--FRJ, GMA News