Itinuturing na isa pang malaking milestone P-pop group na SB19 ang “Pagtatag: The Documentary,” na nag-premiere night nitong Linggo.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing matutunghayan sa documentary ang mga sakripisyo ng grupo na kinabibilangan nina Stell, Pablo, Felip, Justin, at Ken.

Naging pinakamalaking challenge naman daw sa grupo ang halos mawala na ang kanilang pangalan noong nakaraang taon.

"Yung ganitong documentary talaga, ito yung way para mapapakita namin na tao din kami," ayon kay Ken.

"Tao kami, and katulad namin yung mga tao, it's always possible to do the impossible,"dagdag naman ni John.

Ipinakita rin sa documentary na bagong era ang sasalubungin ng tinatawag ngayon na P-pop kings.
Aminado sila na exciting pero may takot silang nararamdaman.

"Ginagawa namin siya kasi mahal na mahal po talaga namin yung ginagawa namin. And hindi kami mapipigilan ng unknown, hindi kami mapipigilan ng walang kasiguraduhan. Kasi from the very beginning, sigurado kami sa gusto namin gawin," ayon kay Pablo.

Idinagdag naman ni Justin na magkakaroon pa sila ng maraming collaborations.

Magtutungo ang SB19 sa South Korea para tanggapin ang “Voices of Asia” award sa 2024 Billboard K Power 100.

Samantala, kasama rin sina Stell at Pablo bilang coach sa The Voice Kids, na kinabibilangan din nina Billy Crawford at Julie Anne San Jose. Si Dingdong Dantes naman ang magsisilbing host ng programa.-- FRJ, GMA Integrated News