Dahil mga sundalo mula sa Cavite ang sangkot sa pagpatay kay Heneral Antonio Luna sa Cabanatuan, Nueva Ecija noong June 5, 1899, kaagad na naging suspek bilang utak sa krimen ang presidente noon na si Emilio Aguinaldo. Pero ang manunulat at historyador na si Ambeth Ocampo, naniniwala na isang babae ang tunay na may pakana ng paglikida kay Luna, batay sa kaniyang pananaliksik. Alamin kung sino.
Sa nakaraang Historians’ Fair para sa Philippine History Month, naging kontrobersyal ang pahayag ni Ocampo na batay umano sa kaniyang pananaliksik, hindi si Aguinaldo ang utak sa paglikida kay Luna, kung hindi ang ina ni Aguinaldo na si Trinidad Famy, kilala rin sa tawag na Kapitana Teneng.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing dahil sa labis na pagmamahal sa bayan at pagiging istrikto bilang opisyal ng militar, sadya raw maraming nakaaway at nakagalit si Luna.
May mga ipinakulong din siya gaya nina Felipe Buencamino, na kalihim ng ugnayang panlabas noon ni Aguinaldo, at ang sundalong ng Cavite na si Pedro Janolino.
May mga impormasyon din na may mga sundalo na puwersahan umanong isinasabak ni Luna sa giyera, at tinatanggalan niya ng ranggo ang mga sumusuway sa kaniyang utos.
May mga nagalit din umano kay Luna dahil sa inggit.
Hanggang sa magtungo siya sa Cabanatuan City noong June 5, 1899 para dumalo sa pagpupulong na ipinatawag umano ni Aguinaldo.
Pero wala doon si Aguinaldo at sa halip, ang inabutan ni Luna sa gusali ay si Buencamino. Sa gitna ng kanilang pagtatalo, isang putok ng baril ang nadinig sa labas na pinuntahan ng heneral para alamin.
Sa labas, doon na niya inabutan si Janolino, at ang iba pang sundalo ng Cavite. Pinagtataga at pinagbabaril nila si Luna.
Ayon kay Ocampo, batay sa awtopsiya sa bangkay ni Luna, nasa 30 hanggang 40 ang tinamong mga sugat ni Luna.
Sinabi nina Janolino na self-defense ang pagkakapatay nila kay Luna at walang imbestigasyon na nanghari.
At dahil mga taga-Cavite ang sundalong sangkot sa pagpatay kay Luna, naging suspek bilang utak sa krimen si Aguinaldo, na kaniyang itinanggi hanggang sa mamatay siya.
Nang mangyari ang pagpatay kay Luna, isang babae ang sinasabing dumungaw mula sa bintana at nagtanong sa mga sundalo kung buhay pa ba ang heneral.
Ang ina nga ba ni Aguinaldo na si Kapitana Teneng ang babae sa bintana at ano ang basehan ni Ocampo para paniwalaan na siya ang utak sa pagpatay kay Luna? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News