Nasunog ang float na may disenyong manok habang bumibiyahe sa Cebu City ang entry bayan ng Dumanjug para sa “Pasigarbo sa Sugbo (Festival of festivals) 2024.”

Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente dakong 10 a.m. nitong Linggo sa South Road Properties (SRP) sa Cebu City.

Batay sa imbestigasyon ng awtoridad, sinabi ng tauhan sa float na may napansin siyang umaapoy sa likurang bahagi ng float, hanggang sa tuluyan nang masunog ang sasakyan.

Hinala ni Senior Fire Officer 2 Wendell Villanueva, spokesperson ng Cebu City Fire Station, posibleng may bahagi ng dekorasyon sa float na tumama sa tambutso ng sasakyan na nagpasimula ng apoy.

Nakaligtas naman ang driver at boy ng truck.

Ilang minuto bago naapula ang nasunog na sasakyan na tinatayang aabot sa P600,000 ang pinsala.-- FRJ, GMA Integrated News