Ipinagtanggol ng Philippine National Police (PNP) ang ginagawa nilang operasyon sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City para maisilbi ang arrest warrant laban sa lider ng grupo na si Pastor Apollo Quiboloy. Ang mga posibleng sikretong taguan maging sa ilalim ng lupa, minamanmanan din.
Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, na sinusunod nila ng legal protocols sa pagsisilbi ng arrest warrant laban kay Quiboloy na nahaharap sa iba't ibang kaso tulad ng human trafficking at child abuse.
Inihayag ito ni Fajardo kasunod ng alegasyon nina Vice President Sara Duterte at kaniyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte, na inaabuso ng kapulisan ang kanilang kapangyarihan sa naturang operasyon.
Masugid na tagasuporta ng mag-amang Duterte si Quiboloy, na dati nang itinanggi ang mga paratang laban sa kaniya.
"Ito lang ang masasabi lang natin dito, Ma'm Susan [Enriquez], ang PNP po ay sinunod naman po 'yung mga legal protocol at pati 'yung ating police operational procedure pagdating nga po sa implementation ng warrant of arrest against kay Pastor Quiboloy at apat pa," paliwanag ni Fajardo.
Dagdag niya, nagkaroon lang ng tensyon nang mag-rally ang mga miyembro ng KOJC habang ginagawa ng mga pulis ang kanilang trabaho.
"Subalit nakita naman po siguro natin sa mga lumalabas na video footage ngayon at meron din naman pong mga na-record sa ating mga body-worn cameras kung sino po ba talaga ang nag-iinstigate ng gulo," dagdag ni Fajardo.
Patuloy naman umano na magpapatupad ng maximum tolerance ang mga pulis kasabay ng patuloy na paghahanap kay Quiboloy.
"But just the same talagang maximum tolerance po talaga ang ipinapatupad ng PNP at ito ay susundin natin at hanggang matapos po itong proseso po na ito," dagdag niya.
Sa naturang rally ng KOJC members, limang pulis ang nasugatan nang hampasin sila ng mga ilang may dala ng pamalo sa gate ng KOJC compound, ayon sa ulat ni King Pandia ng Super Radyo Davao sa Dobol B TV nitong Lunes, batay sa impormasyon mula kay Police Regional Office 11 (PRO 11) spokesperson Police Major Catherine dela Rey.
Hinarangan din ng mga nagra-rally ang gate ng Davao International Airport.
Nitong Lunes ng umaga, patuloy ang prayer rally ng KOJC members na may kasamang mga heavy equipment at private vehicles na nakaharang sa Carlos P. Garcia National Highway.
Nitong Sabado nang isagawa ng mga pulis ang operasyon sa KOJC compound sa Buhangin, Davao City. Isang miyembro ng KOJC ang nasawi dahil sa heart attack, habang 16 na iba pa ang nagreklamo na nasaktan umano sila dahil sa tear gas na ginamit ng mga pulis.
Gayunman, itinanggi ni PRO 11 regional director Police Brigadier General Nicolas Torre III, at sinabing walang tear gas na ginamit ang mga pulis. Sa halip, ginamitan umano ng KOJC members ng fire extinguisher at backhoe ang mga pulis kaya may mga tauhan siyang nasaktan.
Posibleng heartbeat sa ilalim ng lupa
Ayon kay Fajardo, walang deadline sa paghahanap ng mga pulis kay Quiboloy sa compound.
Naniniwala sila na nasa compound pa si Quiboloy at nagtatago.
"But sabi nga ng ating Chief PNP kahapon ay naniniwala tayo na nandiyan ang hinahanap nating mga tao dahil may mga impormante tayo mismo diyan sa loob," sabi niya.
Ngunit hindi raw magiging madali ang paghahanap dahil may lawak na 30 hektarya ang compound.
"Napakalaki. We are talking about more than 30 hectares na lugar dito. May mga building, may mga secret room and passages. So talagang napakahirap," sabi ni Fajardo.
May mga special equipment din umano na ginagamit ang mga pulis para malaman ang mga "body heat" at posibleng "heartbeat".
"Kagabi hanggang madaling araw, Ma'm Susan, may ginamit na nga tayo na mga special equipment para maka-detect tayo ng heat map. At nakikita natin meron tayong natutuklasan na mga possible heartbeat ng nasa ilalim mismo ng isang kongkretong lugar," sabi ng opisyal.
"At hinahanap natin kung nasaan ang entrance nitong malaking bloke na doon sa baba na meron tayong nakikita at may mga na-trace tayo na heat index na posibleng nanggagaling sa isang buhay na bagay o na tao. At talagang merong heartbeat tayong nade-detect," dagdag ni Fajardo.
Kasabay nito, sinabi ni Fajardo na isinasailalim na sa debriefing at counseling ng Department of Social Welfare and Development ang dalawang nasagip na biktima umano ng human trafficking sa KOJC compound habang isinasagawa ang paghahanap kay Quiboloy.
"Nasa kustodiya po sila ng DSWD, pagkatapos po natin silang ma-rescue kahapon ng hapon at nag-a-undergo sila ng debriefing at counseling po sa pangunguna po 'yan ng DSWD," ayon kay Fajardo.—FRJ, GMA Integrated News