Nag-viral kamakailan ang isang mag-asawa na niregaluhan ng P1.2 milyon ng kanilang mga pamilya at mga kaibigan sa kanilang kasal. Pero bago pa man nito, nakapagpundar na sila ng bahay at lupa mula sa negosyo nilang junk shop, na patunay na may pera sa basura.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Susan Enriquez, makikita sa video ng kasal nina Joven at May Jean Acosta, ang iniregalo sa kanila na daan-daang piraso ng P1,000 na pinagtagpi-tagpi hanggang sa maging kapa.

Pero ayon kay Joven, lumaki siya sa hirap at naging palaboy pa noon.

"Naging batang palaboy ako noong araw. Tumatak sa isip ko na sabi ko,'Hindi puwedeng maranasan ng anak ko ito, kailangan kong magsumikap,'" kuwento ni Joven.

Si Joven, bunso sa pamilya, unang pumasok bilang trabahador sa negosyong junk shop ng kaniyang mga kapatid na nagsisimula pa lang.

Noong 2009, sinimulan na rin niya na magtayo ng sariling junk shop, at naging kolektor ng mga scrap metal mula sa mga junk shop sa North Caloocan.

"Parang ang tingin nila [sa amin] mababa kasi nga basura lagi ang kasama. Pero sa akin, marangal naman na trabaho," ani Joven.

"Habang buhay lagi akong nasa tabi niya," sabi naman ni May Jean, na katuwang ni Joven sa negosyo nilang junk shop.

Dahil sa kanilang negosyo, nakabili na sila ng lote na pinatatayuan nila ng warehouse at kanilang bagong bahay.

Tunghayan ang rags to riches story nina Joven at May Jean sa video na ito ng "Dapat Alam Mo!-- FRJ, GMA News