May mga Pinoy na hindi kayang pigilan ang sarili na lunukin ang buto ng santol. Pero ang hindi nila alam, maaari itong magdala sa kanila sa ospital at maoperahan pa.

Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Tatay Nestor Miranda, na kahit noong bata pa siya ay nakagawian na niyang lumukin ang buto ng santol sa halip na iluwa matapos sipsipin.

Sa pagdaan ng mga taon, wala namang naging masamang epekto sa kaniyang katawan ang ginagawang paglulon ng buto ng santol.

Ngunit nang minsang lumunok ulit si Tatay Nestor ng buto nito, nakaramdam siya ng matinding pananakit ng tiyan.

Nang hindi na matiis ang sakit, nagpasuri siya sa ospital at nakita ng mga doktor na bumara sa bituka ni Tatay Nestor ang nilunok niyang buto ng santol.

Paliwanag ng mga ear, nose, and throat (ENT) o head and neck surgeon, nailalabas naman ng tao ang mga bagay na kaniyang nilulunok sa pamamagitan ng pagdumi.

"It's not something that's too big that cannot pass out through your stool. So dadaan po talaga siya through your gastrointestinal track. And normally po, in one to two days time, it will pass out as it is, kung ano ang hitsura niya before siya pumasok. Hindi lang siya mada-digest ng ating tiyan," paliwanag ni Dr. Jenina Escalderon, isang ENT Specialist/Head and Neck Surgeon.

Ngunit sa mga mas peligrosong pagkakataon, maaaring bumara ang buto ng santol sa daanan ng hangin o sa daanan ng pagkain.

Kaya naman kung ang isang tao ay nakalunok ng buto ng santol o kung ano pa mang maliit na bagay, suriin kung nakakahinga ang pasyente at gamitan siya ng pulse oxymeter.

Suriin din ang bibig o labi ng pasyente kung nagkaroon ng discoloration o cyanosis, o nagkukulay asul ito, kung hinihingal ang pasyente at hirap makapagsasalita.

Kapag nakaranas ng hirap sa paghinga ang isang tao matapos makalunok ng foreign object, maaaring isagawa ang Heimlich Maneuver sa pamamagitan ng pagpuwesto sa likod ng pasyente saka ilalagay ang dalawang kamay sa ilalim ng rib cage.

Payukuin ang pasyente at lagyan ng pressure ang ilalim ng rib cage para mailabas ang foreign object.

Maaari ring gawin ang Heimlich Maneuver nang mag-isa. Humanap lamang ng isang upuan at ipuwesto ang ilalim ng rib cage sa sandalan, saka itulak ang sarili.

Pero sa kaso ni Tatay Nestor, nakababa na ang buto ng santol sa kaniyang lalamunan at pumunta sa kaniyang bituka kaya ito bumara.

Mahina na rin ang digestive system ni Tatay Nestor dahil may edad na at kinailangan nang operahan para alisin ang bahagi ng bituka niya kung saan bumara ang buto.

Matapos ang operasyon, kinabitan na si Tatay Nestor ng colostomy bag para sa kaniyang pagdumi.

Tunghayan sa Pinoy MD ang buong detalye sa posibleng panganib na dulot sa tao kapag lumunok ng buto ng santol. --FRJ, GMA News