Sa halip na maglaro kagaya ng ibang bata, ang isang batang anim na taong gulang na si Ace, laging inaalagaan at pinapasan ang mas batang kapatid na may karamdaman.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinampok ang kuwento ni Ace, na mula sa Bacoor, Cavite, kung papaano niya matiyagang inaalagaan ang tatlong taong gulang na kapatid na itinago sa pangalang "Jun."
Si Jun kasi, bukod sa paralisado ang kanang braso, hindi rin siya nakapagsasalita, sinusumpong ng epilepsy, at delayed ang development ng pag-iisip.
Dahil hindi puwedeng iwan na mag-isa si Jun, ipinapasyal siya palagi ni Ace. Kung minsan, isinasakay si Jun sa lumang bag na may troley at saka itutulak ni Ace.
Pero madalas, pinapasan ni Ace ang kaniyang kapatid kahit aminado siyang nahihirapan na rin siya dahil sa bigat nito.
Hindi naman inabandona ng kanilang mga magulang ang magkapatid. Lagi lang na wala sa bahay ang kanilang ama na si Barry upang maghanap ng maikakalakal na mga bote, diyaryo at platic upang kumita.
Ang ina ng mga bata, ayon kay Barry, pumanaw na matapos na maaksidente.
Ayon kay Barry, hindi maaaring iwan na mag-isa si Jun dahil baka sumpungin ito ng epilepsy at tumama ang ulo sa matigas na bagay.
Kung ano-ano rin daw ang isinusubo nito, at kung minsan ay malikot at biglang tumatakbo na maaari niyang ikapahamak.
“Hindi pupuwedeng walang kasama kasi pag time na inabot siya ng epilepsy, baka tumama sa matitigas na bagay ang ulo,” sabi ni Barry.
Ito ang dahilan kaya hindi maiwan-iwan ni Ace ang kapatid, na natigil na rin sa pag-aaral dahil sa pandemic.
“Napapaiyak ako. Nagpe-pray po ako, sana po, ‘yung kapatid ko, sana po hindi po atakahin ng sakit niya,” saad ni Ace.
“Minsan parang gusto ko na po siyang iwanan pero hindi ko magawa-gawa. Paano siya kakain? Hanggang pagtanda ko, aalagaan ko pa siya. Kahit hanggang kamatayan ko. Sobrang mahal ko po siya,” sabi pa ni Ace.
Ayon kay Barry, bagaman alam niya ang hirap na dinadanas din ni Ace, pero wala na siyang ibang maasahan dahil wala na siyang mga magulang at may kaniya-kaniya nang pamilya ang kaniyang mga kapatid.
Kung minsan, masuwerte na umanong kumita siya ng P100 sa pamamasura sa isang araw para may maipambili siya ng makakain nilang mag-aama. Kung wala naman, umaasa na lang sila sa bigay na pagkain ng ibang tao.
Upang malaman ang lagay ng kalusugan ng mga bata, sinamahan ng "KMJS" na maipasuri sa duktor sina Ace at Jun. Nakatanggap din sila ng financial assistance, at wheelchair para hindi na buhatin ni Ace ang kaniyang kapatid na si Jun kapag namamasyal.
Nakatanggap din sila ng groceries, school supplies, at materyales na makumpuni ang kanilang bahay.
Sabi ni Ace para sa kapatid, "Huwag mong kakalimutan basta kahit paglaki mo basta gumawa ka lang ng mabuti at huwag kang mapang-api. Kahit anong mangyari po hindi ko po siya pababayaan.”
Sa mga nais tumulong kina Ace, maaaring magpadala sa:
CEBUANA MICRO SAVINGS
ACCOUNT NAME: ACE BARRY SAVIILA
ACCOUNT NUMBER: 001142460398
—FRJ, GMA News