Mula sa pagiging squatter at tricycle driver, may-ari na ngayon ng ilang gasoline station sa Bayugan, Agusan de Sur si Jimmy. Paano nga ba niya nagawang umasenso?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Jimmy na dating silang nakatira sa squatter noong bata siya.
Tricycle driver din noon ang kaniyang ama, at may maliit na tindahan naman ang kaniyang ina. Pero kahit bata pa, natuto nang dumiskarte si Jimmy para kumita sa pamamagitan ng pagtitinda ng turon at iba pa.
Nagsikap din siyang mag-aral. Nang nasa high school na, kumayod siya bilang construction worker.
Iyon nga lang, maaga siyang nakapag-asawa. Pero hindi iyon naging hadlang para tumigil siya sa pag-aaral.
Namasada ng tricycle si Jimmy para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya habang nag-aaral siya.
"Nag-aral ako sa gabi, tuwing umaga nagda-drive [ng tricycle]. Kumikita kami dati ng mga P200. Nakakapagod talaga pero tiniis ko 'yon kasi mayroon kaming pangarap na dalawa [mag-asawa] na makatapos talaga." sabi ni Jimmy.
Ang pagsisikap ni Jimmy, nagbunga dahil nakapagtapos siya sa kolehiyo sa kursong BS Marine Transportation. Hanggang sa maging seaman siya.
Ang unang pinag-ipunan ni Jimmy sa kaniyang kita bilang seaman, ang magkaroon ng kaniyang gasolinahan. Marami raw siyang nakilalang negosyante na nagturo sa kaniya.
Hindi nagtagal, natupad ang pangarap ni Jimmy na magkaroon ng gas station, hindi lang isa kundi tatlo pa.
Ang dating lupa na nakikitira lang sila noon, binili na niya. Kaya nakapagpundar din siya ng bahay at lupa, mga sasakyan at rice mill.
"Habang bata ka, nag-iipon ka na. Tiyaga at tiis [lang] darating din yung mga pangarap niyo sa buhay," payo ni Jimmy.
Ngayong asenso na sa buhay, hindi nakakalimutan ni Jimmy na makatulong sa mga katulad niyang driver sa pamamagitang ng discount lalo na ngayong panahon na mataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Tunghayan at humugot ng inspirasyon sa nakabibilib na kuwento ng buhay ni Jimmy sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA News