Dahil sa kakaiba nitong sarap, dinudumog pati ng mga taga-ibang lugar ang lugaw na inihahain ng isang tindero sa Quiapo, Maynila. Ang food cart, kayang makapagbenta ng mahigit 900 na mangkok ng lugaw sa isang araw.

"Ang sa akin, hindi naman ako nagyayabang kasi ang lahat ng kumakain sa akin, sinasabi ko kakaiba ang lasa ng lugaw ko," sabi ng may-ari ng "Eddie-Wow Lugaw!" na si Eddie Dizon sa programang "Dapat Alam Mo!"

Hindi lang mga taga-Tondo sa Maynila, kundi dinadayo rin ang lugaw ni Mang Eddie ng mga taga-Cavite, Quezon City at Pasay City.

Kaya kung paminsan, inaabot sina Mang Eddie ng hanggang 7 p.m. sa pagbebenta ng kanilang lugaw.

Kung may natitira sa lugaw, ipinamimigay niya sa mga batang nanghihingi.
Hindi biro ang sakripisyo ni Eddie at kaniyang asawa sa kanilang pagtitinda.

Madaling-araw pa lang kasi, nagpupunta na silang mag-asawa sa palengke para bumili ng sangkap sa lugaw, katulad ng mga lamang-loob.

Mula sa palengke, magtutungo na sila sa kanilang puwesto o tindahan para magluto ng kanilang lugaw.

Hindi alintana ng mag-asawa ang pagod dahil ginagawa nila ito para sa pag-aaral ng apat nilang anak, at pangangailan ng 13-anyos nilang anak na maysakit na si JR.

"May pamamaga at tubig sa ulo. Papunta pa lang sa tumor kapag hindi naagapan. Nakakaupo lang siya tapos nahihirapan siya eh," ani Mang Eddie na naging emosyonal nang mapag-usapan si JR.

"Sana gumaling, matulungan sana ako sa pinansiyal pampa-ospital sana. Kung mabubuhay ang anak ko kapag inoperahan. Sana marami pa po akong maipon. Sakto lang kasi ang kinikita ko eh," hiling ni Mang Eddie.

Hindi raw niya magawang makaipon dahil sakto lang ang kinikita niya para sa pang-araw-araw nilang gastusin.

Kaya naman nagpapasalamat si Mang Eddie sa mga bumibili sa kaniya dahil sa bawat mangkok ng lugaw na kaniyang naibebenta at nakatutulong sa kaniyang pamilya.

Ano nga ba ang sikreto sa masarap na recipe sa lugaw ni Mang Eddie? Panoorin sa video. --FRJ, GMA News