Isang Chinese ang nadatnang duguan at nakahandusay sa kalsada matapos siyang pagbabarilin umano ng mga kapwa niya Chinese na nagpanggap na buyer ng ibinibenta niyang luxury car sa Cabuyao, Laguna.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nakita ang Chinese na nagtamo ng sugat sa hita sa bahagi ng Barangay Diezmo.
Sinabi ng Cabuyao City Police na taga-Mandaluyong ang biktima, na sumama sa test drive ng mga bibili dapat ng kaniyang mamahaling sasakyan.
Gayunman, humantong sa pamamaril at carnapping ang bentahan.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rexpher Gaoiran, hepe ng Cabuyao City Police, nasa may Alabang area na ang biktima at mga suspek nang magdeklara sila ng hold-up.
Sa pag-backtrack ng mga awtoridad sa CCTV, namataan nila kung saan nag-exit ang mga salarin at nakumpirma ang kanilang sasakyan.
Sapul din sa CCTV ang isang sasakyan na nakabuntot sa SUV ng biktima bago siya ibinaba at binaril.
Hinala ng pulisya, mga dayo lang sa lugar ang mga suspek.
Ngunit duda ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa tunay na motibo sa krimen.
"Kailangan laliman pa natin ang investigation. Ang tinitingnan kasi natin diyan, bakit kailangang pagbabarilin 'yung tao kung talaga 'yan ay ordinaryong bentahan ng sasakyan," sabi ni undersecretary Gilbert Cruz ng PAOCC.
"May mga insidente kami before kasi na 'yung mga pinatay o kaya'y pinagbabaril, mga dinukot, minsan pinagdududahan nila ['yun ang] nanlaglag sa isang raid na nangyari o 'di kaya sa isang hulihan ng POGO hub," dagdag niya.
Patuloy ang pagtugis sa mga suspek samantalang nagpapagaling sa ospital ang biktima, na sumasailalim sa operasyon.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News