Lumipad sa Buenos Aires, Argentina ang ama ni Liam Payne na si Geoff Payne para maiuwi ang labi ng namayapang One Direction member.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing binisita ni Geoff ang hotel na tinuluyan ng kaniyang anak.

Tinungo niya ang balkonahe ng hotel room kung saan nahulog si Liam.

Tinunghayan din ni Geoff ang vigil ng fans sa labas ng hotel.

Pinasalamatan din niya ang fans.

Bago yan, nagtungo rin siya sa labi ni Liam sa morgue para maiuwi na ang anak.

"Completely devastated" ang One Direction sa pagpanaw ni Liam.

Sina Liam at ang buong One Direction ay produkto ng X-Factor kung saan hurado si Simon Cowell.

Sinabi ni Simon na heartbroken at devastated siya sa pagpanaw ni Liam.

Labis ding nasaktan ang pop singer na si Cheryl Ann Tweedy sa pagkamatay ng dating karelasyon na si Liam.

Nanawagan si Cheryl ng privacy para sa kaniya at sa anak nila ni Liam na si Bear.

Hiniling din ni Katie Cassidy, model at girlfriend ni Liam, ang pag-unawa at privacy sa pagdadalamhati. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News