Patay ang isang Chinese national matapos siyang pagbabarilin nang harapan ng kaniyang kababayan sa loob ng kuwarto ng isang hotpot restaurant sa Makati City.

Sa ulat ni Mariz Umalis sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, makikita ang video footage sa loob ng restaurant na magkakasama sa loob ng kuwarto ang apat na lalaki, na kinabibilangan ng 29-anyos na biktima.

Tila may pinagtatalunan ang grupo hanggang sa binaril ng suspek na nakatayo ang biktimang nakaupo sa harap ng lamesa.

Apat na tama ng bala ng baril ang tinamo ng biktima na hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Tumakas naman ang suspek na patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Ayon sa awtoridad, nag-uusap ang biktima at suspek tungkol sa negosyo.

“Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan. Naasar lang po itong ating suspek doon sa biktima na una niyang na-meet sa Telegram regarding sa supply ng mais at bigas," sabi ni Makati City Police Public Information Office chief P/Capt. Jenibeth Artista.

"Hindi po siya personal...maaari pong business-related at maging tinitingnan yung anggulo na love triangle,” dagdag niya

Nakikipag-ugnayan din ang pulisya sa Land Transportation Office para matukoy ang may-ari ng sasakyan na ginamit ng suspek sa pagtakas.--FRJ, GMA Integrated News