Marami ang naantig ang damdamin sa larawan ng batang nasa lumang refrigerator na nakaligtas sa landslide na dulot ng bagyong Agaton. Alamin ang lagay niya ngayon at paano nga ba siya napunta sa ref?
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na patuloy na nagpapagaling sa ospital ang 11-anyos nasi CJ Jasme, ng Barangay Kantagnos sa Baybay City, Leyte.
Noong nakaraang Abril 11, nang manalasa si Agaton at magdulot ng mapaminsalang mga landslide. Kabilang ang bahay ng pamilya ni CJ sa mga naapektuhan.
Sa kanilang pamilya, siya at ang kaniyang kuya lang na si Jarvis ang nakaligtas. Nasawi ang kanilang ama't ina, pati ang bunso nilang kapatid.
Nang makita ng mga rescuer si CJ, puno siya ng sugat sa katawan at mukha, may bali siya sa balikat at paa. Naghanap din umano ng makakain ang bata dahil sa gutom at uhaw.
Ayon sa rescuer, dahil sa tinamong bali sa paa ng bata, nilagyan nila ito ng "splint" para hindi magalaw at hindi lumala ang pinsala.
At dahil malayo ang kailangan nilang tahakin para madala si CJ sa naghihintay na rubber boat upang madala siya sa ospital, naghanap sila ng paglalagyan sa bata upang maitawid nila ito sa putikan.
Nakakita sila ng lumang ref at isinakay nila sa loob si CJ habang hinahatak nila sa putikan patungo sa naghihintay na masasakyan.
Sa ngayon, naghilom na ang galos at sugat ni CJ sa katawan at mukha. Pero nagpapagaling pa rin siya sa ospital dahil sa inilagay na bakal sa nabali niyang paa.
Nagtamo rin ng sugat ang nakaligtas na kuya ni CJ na si Jarvis. Pero dahil sa ibang ospital ito nadala, hindi pa nagkikitang muli ang magkapatid.
Kaya naman gumawa ng paraan ang "KMJS" team maibiyahe si Jarvis papunta sa ospital na kinaroroon ni CJ.
Tunghayan ang buong ulat ng "KMJS" sa muling pagkikita ng magkapatid, at ano na ang mangyayari sa kanila ngayong wala na silang mga magulang? Panoorin ang video. --FRJ, GMA News