Sinabi ni Juan kay Hesus: "Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng Inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” (Marcos 9:38).
ANG ating pananampalataya ay kahalintulad sa katawan ng ating Panginoong HesuKristo na sinasabing ito’y maraming bahagi. Bagama’t binubuo ito ng iba’tibang bahagi, ito ay nananatili pa rin na iisang katawan.
Kahit ano pa ang ating sinasampalatayanan, iba’t iba man ang pamamaraan ng ating pananampalataya sa ating nag-iisang Panginoong Diyos, isa lamang ang ating pinaniniwalaan. At ito’y walang iba kundi ang Panginoong HesuKristo.
“Maging Judio man o Hentil, alipin man o Malaya, tayong lahat ay binawtismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Esspiritu”. (1 Corinto 12:13)
Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang”. (1 Corinto 12:14)
Kung tayo ay binubuo ng iisang katawan at si HesuKristo ang pinaka-ulo ng katawang ito, mayroon bang dahilan upang tayo ay magtalo-talo, mag-away away at magkahati-hati nang dahil lamang sa nag-iisang pananampalataya natin?
Minsan, napakahirap maunawaan kung bakit may ibang relihiyon ang kinakailangan pang magpaligsahan at daanin sa pamamagitan ng pakikipag-debate ang kanilang pananampalataya sa Diyos? Kailangan bang pagdebatihan ang Bibliya?
Hindi ba’t kaya isinulat ang Bibliya o ang Salita ng Diyos alinsunod sa mga pangunahing layunin nito.
- Maakit ang tao na magbalik-loob sa Panginoon, (2) Magsisi ang tao sa kaniyang mga kasalanan at maituwid ang kaniyang mga pagkakamali,
- Makilala at matagpuan ng tao si HesusKristo.
- Maunawaan ng tao ang mensahe ng Bibliya sa pamamagtan ng mga Pagbasa at
- Mabatid ng sangkatauhan ang labis na pagmamahal sa atin ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagkakalikha niya sa ating mundo.
Wala tayong mababasa sa Bibliya na kinakailangang magtalo-talo ang iba’t-ibang relihiyon. Kaya naman hindi kailangan na magkaroon ng paligsahan para lamang masabi na sila ang tamang relihiyon at mali ang iba.
Ganito ang ating matutunghayan sa Mabuting Balita (Marcos 9:38-40) nang sabihin sa Hesus ng Kaniyang alagad na nakita nila ang hindi nila kasama o hindi nila kakampi na nagpapalayas ng mga demonyo sa bisa ng Kaniyang pangalan. (Mk. 9:38)
Marahil ay nasa isip ng mga Alagad na anong karapatan ng taong nagpapalayas diumano ng demonyo na gamitin ang pangalan ni Hesus gayung hindi naman nila ito kasama.
Minsan, ang iba sa atin ay hindi naiiwasang maging kahalintulad ni Juan. Inaakala natin na ang ating pananampalataya sa Panginoon ay “ekslusibo” lamang para sa atin. Parang tayo lamang ang may karapatang manalig sa Diyos.
Hindi natin kailangang magtalo-talo, mag-away away at magpaligsahan sa Bibliya. Sapagkat ang halaga sa lahat ay ang mensahe ng Panginoon sa mga Pagbasa bilang iisang katawan at si Hesus ang pinaka-sentro.
Tandaan lamang natin ang mensahe at tinuran ng Panginoong HesuKristo kay Pedro sa Ebanghelyo.
Hangga’t mabuti ang ginagawa ng ibang tao at para sa kaligtasan ng kaluluwa ng kaniyang kapuwa ang ginagawa ng isang tao o relihiyon, hindi ito dapat pigilan.
Winika ni Hesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi magsasalita ng masama laban sa akin pagkatapos gawin ito. Sapagkat ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin." (Mk. 9:39-40)
Ang pagiging alagad ng Diyos ay hindi lamang ekslusibo para sa iisang tao. Maaaring katulad ng maling pagkakaunawa ng ibang Alagad, kundi ito ay para sa lahat ng tao na pinagkatiwalaan ng ating Panginoong Hesus para maglingkod sa Kaniya at magsilbing liwanag sa kaniyang kapuwa na nasa kadiliman. AMEN.
--FRJ, GMA News