Kahit maliliit, kinatatakutan ng marami ang mga nilalang na naninirahan sa mga lugar na matubig at maging sa gubat para maghanap ng dugo na kanilang masisipsip.
Kasama si Doc Nielsen Donato, nagtungo ang team ng "Born To Be Wild," sa isang palayan sa Paluan, Occidental Mindoro.
Mayroon daw kasing lugar sa palayan na kinatatakutan puntahan ng ilang magsasaka dahil sa pinamumugaran ito ng mga "linta."
Ang naturang lugar ay tila maliit na sapa na may tubig at maputik. Dito karaniwang nagbababad ang mga kalabaw na gamit ng mga magsasaka sa pag-aararo.
Katunayan, isang kalabaw ang naglublob sa naturang tubig, at nang umahon ay ilang linta ang nakitang nakadikit sa kaniyang katawan.
Dahil kakaunti pa lang ang pag-aaral na nagagawa sa mga linta, inobserbahan ni Doc Nielsen ang ilang linta para alamin na rin kung papaano nga ba kumikilos ang mga ito.
Isa sa natuklasan ni Doc Nielsen na tila hindi kaiga-igaya sa mga linta ang amoy ng alcohol. Bago kasi niya inilagay sa kamay ang linta, naghugas muna siya nang alcohol. At maya-maya lang, isinusuka na ng linta ang dugo na sinipsip nito sa kalabaw.
Pero kung ang linta na nakita niya sa palayan ay nasa matubig na putikan, may katulad din itong nilalang na naninirahan naman sa gubat na kung tawagin ay "limatik."
Ano nga ba kaibahan ang limatik sa lintang nasa palayan? At ano ang pakinabang ng mga nilalang na ito na sumisipnip ng dugo sa ating ecosystem at kapaligiran? Panoorin ang video ng "BTBW."
--FRJ, GMA News