Pinatawad tayo ng Panginoon sa marami natin kasalanan. Pero hindi naman tayo marunong magpatawad sa maliit na kasalanan ng ating kapuwa (Mateo 18:21-35) . “Lumapit si Pedro at nagtanong kay Hesus. Panginoon: 'Ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkasala sa akin? Pitong beses po ba?"'Sinagot siya ni Hesus, “Hindi pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.” (Mateo 18:21-22)
NAGKITA kami minsan ng aking kaibigan at naitanong ko sa kaniya kung bakit mayroon siyang dalang baril gayung hindi naman siya pulis. Sinabi niya sa akin na mas mainam na daw ang sigurista dahil mahirap na raw na maunahan ng kalaban.
Pinayuhan pa nga ako ng aking kaibigan na kailangan ko ring magdala ng baril bilang proteksiyon. Dahil ang paliwanag niya, sa panahong ito ay hindi natin kilala kung sino ang ating kalaban at kung sino ang kakampi.
Maaaring tama ang winika ng kaibigan ko. Ngunit ipinaliwanag ko sa kaniya na nag-iingat din namanako kaya mayroon din akong dalang proteksiyon sa aking bulsa. Tinanong niya ako kung ano daw ang kalibre ng baril ang bitbit ko. At inilabas ko naman sa aking bulsa ang aking armas-- isang rosaryo.
Natawa ang kaibigan ko nang makita niya ang rosaryo na "armas" ko. Ipinaliwanag ko sa kaniya na mas makapangyarihan sa kahit na anong armas ang rosaryo. Sinabi ko sa kaniya na hindi baril ang solusyon sa anumang problema kundi ang panalangin.”
Ano na lamang ang mangyayari sa isang lipunan kung ang gagamitin nating solusyon sa anumang hindi pagkakaunawaan ay karahasan? Baril ba ang ating gagamitin laban sa ating kapatid na hindi natin mapatawad sa kaniyang naging kasalanan?
Mahihinto lamang ang pamamayagpag ng karahasan kung makukuha nating magpatawad sa mga taong nakasakit sa atin. Hindi natin dapat pairalin ang prinsipyong “mata sa mata” at “ngipin sa ngipin.”
Kaya itinuturo sa atin ngayon ng ating Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Mateo 18:21-35) ang pagpapatawad sa mga taong nakagawa sa atin ng kasalanan. Iyan ay kung nais natin na mapatawad din tayo ng ating Amang nasa Langit para sa ating mabibigat na kasalanan sa Kaniya.
Marami ang nagsasabi na ang pagpapatawad sa mga taong nakasakit sa atin ang isa sa napakamahirap na gawin. May kasabihan pa nga na, “Kung ang Diyos ay marunong magpatawad, ang tao ay hindi.”
Totoo na mahirap talagang magpatawad sa mga taong may mabigat na kasalanan sa atin. Ngunit halimbawang sabihin din ng Panginoon sa atin na mahirap din Niya tayong patawarin dahil sa napakarami nating kasalanan, paano na?
Ngunit kahit na gaano pa man kabigat ang ating mga naging kasalanan at atraso sa ating Panginoong Diyos, hindi pa rin Siya nagsasawang magpatawad at umunawa sa ating mga naging kahinaan.
Katulad ng Hari sa Ebanghelyo na nagpatawad sa atraso ng kaniyang lingkod o alipin. Kahit napakalaki ng pagkaka-utang nito ay iginawad pa rin niya ang pagpapatawad para sa kaniya. (Mateo 18:25-27).
Nahabag ang Hari kaya pinalaya niya ang lingkod. Ganoon din ang ating Panginoon, kahit gaano pa kabigat ang ating kasalanan, nakahanda pa rin magpatawad ang Diyos para sa ating mga kasalanan. (Mateo 18:27)
Ngunit ang pagapapatawad ay igagawad lamang ng Panginoon kung marunong din tayong magsisi sa ating mga nagawang pagkakasala. Mahalaga rin na marunong din tayong magpatawad para sa mga taong nakagawa din ng kasalanan sa atin.
Huwag tayong tumulad sa lingkod na pinatawad ng Hari sa Pagbasa. Samantalang pinatawad ng Hari ang milyon-milyong halaga ng pagkaka-utang ng lingkod ay pinalaya pa siya. Samantalang ang lingkod, hindi pinatawad ang kapuwa niya lingkod na mayroon lamang maliit na pagkakautang sa kaniya. (Mate 18:28-29).
Lagi nating naaalala ang maliit na kasalanan ng ating kapuwa, pero nakakalimutan naman natin ang malaki nating kasalanan sa paulit-ulit nating paglabag sa 10 Utos ng Diyos. Pero patuloy pa rin tayong pinatawad ng Panginoon.
Kaya inaasahan din Niya na matututo rin tayo at magagawa rin nating magpatawad sa ating kapuwa. AMEN.
--FRJ, GMA News