Lelembot-lembot man kung kumilos ang beki na si Ronald Roble, o "Rona" ng Toril, Davao City, pero pagdating sa basketball, itinuturing siyang "halimaw" sa loob ng hardcourt.

Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video sa pagsabak ni Rona sa mga liga sa kanilang bayan. Dito makikita ang mga galawan niyang mala- Kyrie Irving ng NBA.

Kayang lusutan ni Rona ang mga kalaban sa mga side-step move niya na diretso sa revised layup para i-shot ang bola. Pamatay rin ang kaniyang shooting na kayang bumira ng three-points kahit sumakay pa ang kalaban.

Ayon kay Rona, 23-anyos na ngayon, kahit naglalaro siya ng mga larong pambabae noong bata pa, nakahiligan din daw niya ang paglalaro ng basketball.

Kaya naman sa kanilang bayan, naka-30 kampeonato na sila, at ilang beses naman siyang nahirang na MVP o Most Valuable Player.

Kahit ang mga kalaban, humahanga at napapalakpak sa husay sa pagba-basketball ni Rona.

"Sabi nila nakaka-proud daw ako na kahit bakla naglalaro ng [ako ng] panglalaki," saad ni Rona.

Gayunman, may mga pagkakataon din umano na nabu-bully siya sa laro at hinahamon pa ng away. Bagay na hindi na lang daw niya pinapansin.

Suportado ng ama ni Rona ang kaniyang paglalaro. Pero ang kaniyang ina, tutol daw noong una.

Nag-aalala raw kasi ang kaniyang ina na masaktan siya. Pero sa huli, sumuporta na rin ito sa kaniya nang makita kung gaano siya kahusay maglaro.

Maging ang mga beshie ni Rona na mga beke rin, full  support sa kaniya, at tinuturuan din niyang maglaro ng basketball.

Bagaman loveless si Rona, inihayag niya ang kaniyang pangarap na makalaro sa hardcourt ang kanilang celebrity crush na si David Licauco.

Sa tulong ng "KMJS," natupad ang naturang pangarap ni Rona at naka-one-on-one niya sa laro ang Kapuso hunk actor.

Sa simula, naka-puntos kaagad si Rona at tila nahihirapan sa opensa si David.

Hanggang sa mag-init na ang aktor sa paglalaro at naghubad ng damit.

Ang tanong, makapag-concentrate pa kaya si Rona sa laro kapag nakita niya at binantayan ang nakahubad na si David? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News