Kung dati ay sinisikreto, ngayon ay mas bukas nang pinag-uusapan ng mga tao ang pagpaparetoke ng katawan tulad ng ilong, at ibina-vlog pa. Mas tanggap na nga ba ngayon ang pagpaparetoke at mas dumami nga ba sa nakalipas na mga taon ang mga taong nagsasabing "salamat po duktor?"

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing isa na rito ang vlogger na si Mika Salamanca, na inamin kamakailan na ipinagawa niya ang kaniyang ilong.

Sa kaniyang vlog, mapapanood na nagising si Mika habang tinatahi ang kaniyang ilong at nakapag-selfie pa.

Mapapanood din sa vlog ang pagdugo ng kaniyang ilong matapos ang operasyon, at ang pa-nose reveal niya sa kaniyang mga magulang.

"Matagal ko na po siyang plan. Perfect time lang po talaga. Mas makikita na po ngayon 'yung changes. Siguro in a couple of months bababa 'yung bridge niya and slimmer na alar and 'yung tip is much small and pointy," sabi ni Mika pagkaraan ng dalawang linggo sa kaniyang operasyon.

Ayon kay Mika, sinabihan siya noon ng kaniyang kaklase na may kulang pa rin sa kaniyang mukha, kahit maganda na siya.

"Noong high school kasi ako may isa akong kaklase na nagsabi sa akin na 'Okay ka, maganda ka, pero may kulang sa'yo. 'Yung alar mo medyo malaki and 'yung tip mo medyo mataba.' So ever since lagi kong naiisip 'What if slimmer 'yung alar ko? What if slimmer 'yung point ng ilong ko?'" ani Mika.

Pero kahit nagparetoke na, hindi pa rin nakaiwas si Mika sa mga basher.

"Ginawa ko naman ito para sa akin, kaya kahit anong sabihin nila, as long as masaya 'yung taong nasa harap ng salamin, okay ako roon," sabi ni Mika.

Ayon sa cosmetic surgeon na si Dr. Maika Slatensek, dumami ang bilang ng mga gustong magparetoke ngayong pandemya.

Isa sa mga dahilan ang paggamit ng masks, kung saan hindi mapapansin ng mga katrabaho ng mga nagparetoke na may ipinaayos sila sa kanilang mukha.

Nagkaroon din ng shortage ng supply ng implants at fillers nitong pandemya.

"There was a time out of stock siya. Medyo nagulat kami kasi usually naman readily available 'yung stocks ng implants, and then they said medyo maraming doctors ang nag-o-order lalo na nitong pandemic. So nagkakaubusan," sabi ni Dr. Slatensek.

Bukod kay Mika, ilan pa sa mga nagparetoke si Pogay, na limang beses ipinaayos ang kaniyang ilong sa halagang P500,000.

Nagpaayos si Pogay ng ilong matapos ang hiwalayan nila ng kaniyang nobyo at ang kaniyang pagiging overweight.

"Basta alam mong wala kang ginagawang masama, wala kang natatapakang tao, gawin mo kung ano 'yung magpapasaya sa'yo," sabi ni Pogay.

Nagpa-rhinoplasty rin ang dating OFW na si Alfred Guanzon sa halagang P135,000.

"Sa mga gustong magpagawa, alamin po nila 'yung expertise ng doktor nila. Dapat pinag-iisipan," sabi ni Alfred.

Alamin ang iba't ibang kuwento ng mga taong nagparetoke sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News