Makaraang magpiyansa, pansamantalang nakalaya na ang 80-anyos na lolo na sinilbihan ng arrest warrant dahil sa pamimitas ng 10 kilong mangga sa isang puno sa bakuran na iba ang may-ari sa Asingan, Pangasinan. Pero nararapat ba talaga siyang kasuhan kung siya naman ang nagtanim ng puno?
Sa "Kapuso sa Batas," sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na maituturing na pagnanakaw ang pagkuha ng bagay na hindi sa iyo, at ito pa rin ang "general rule."
Kaya kung binakuran na ng kapitbahay ang isang puno, pagmamay-ari na niya ang puno.
Maituturing umano si lolo na "planter in good faith," kung akala niyang sa kaniya ang lupa sa umpisa at nagtanim siya ng puno.
Ngunit kung matagal na niyang alam na hindi sa kaniya ang lupa pero tinaniman niya pa rin ito, sa may-ari pa rin ng lupa mapupunta ang puno.
Kung pagmamay-ari naman ng lolo sa umpisa ang lupa pero ibinenta niya ito sa iba, hindi na niya ito maaaring angkinin mula sa bagong may-ari.
Gayunman, sinabi ni Atty. Concepcion na hindi sa lahat ng bagay at dapat na umabot pa sa naturang sitwasyon ang pangyayari na kinasuhan at ipinakulong pa ang matanda.
Para kay Atty. Concepcion, walang panalo sa pangyayayari.
"Dapat siguro nakukuha rin sa maayos na usapan lalo na kung magkakapitbahay naman kayo," anang abogado.
Dagdag ni Atty. Concepcion, ang penalty ng pagnanakaw ay depende sa halaga ng ninakaw. Kung hindi lalagpas ng P500 ang ninakaw na bagay, arresto menor lamang ito na isa hanggang 10 araw.
Nitong pandemya, naglabas ng sirkular ang Korte Suprema na nagpapaiwas na ikulong ang mga indigent o mga walang pera, at pakawalan na lamang "on recognizance" ang akusado.
"Sometimes it is not important to be right. It is more important to be kind," sabi ni Atty. Concepcion.
Panoorin ang buong pagtalakay sa usapin sa video na ito ng "Kapuso Sa Batas."
--FRJ, GMA News