Dahil marami ang nakapila sa mga swab center bunga ng pagtaas ng COVID-19 cases, may mga tao na gustong subukang gumamit ng "self-administered" antigen test kits sa bahay. Paano malalaman kung lehitimo ang nabiling test kits at paano ang tamang paggamit nito?
Sa panayam ng programang "Unang Hirit" nitong Huwebes, sinabi ni Dra. Ana Ong-Lim ng Department of Health (DOH), na kailangang sa tamang panahon at tamang tao ang magsasagawa ng pagproseso sa antigen test kit.
Kailangan suriin na lehitimo ang supplier ng test kits para matiyak na nakarehistro ito. Makikita umano sa website ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga nakarehistrong rapid antigen kits.
Kahit ang mga rapid test kit na karaniwang sa bukana lang ng ilong kinukuha ang sampling ay dapat na isang health professional umano ang gumagawa para matiyak na tama ang proseso ng pag-test.
"Kaya ang [tinatawag na] self administered kit ang sampling galing sa bungad ng ilong o bibig, so far wala pa tayong ganun sa Pilipinas," ayon kay Lim.
"Ang meron tayo rapid antigen test na ginagawa ng health care professional na dapat, tamang tao, tamang panahon, tamang paraan [ang paggamit]," dagdag niya.
Kung mayroon man na ibinebenta ngayon, maaari umanong para lang ito sa paggamit talaga ng mga health care professional.
"Ang inirerekomenda ng DOH, it should be [done] under the guidance of a health care professional. So kung hindi kailangang si mismong health care professional ang gagawa sa'yo, basta [dapat] nabigyan ka ng tamang instructions," dagdag niya.
Mahalaga umano na "tamang panahon" ang pagsasagawa ng test upang makuha ang sapat na dami ng virus sa sampling. Mangyayari umano ito kapag mayroon nang sintomas ng sakit ang pasyente.
Kung walang sintomas at nalantad lang sa isang positibo sa COVID-19, maaaring mahintay ng limang araw bago mag-test.
Pero iginiit ni Lim na hindi ang mag-test ang dapat na unang gagawin ng isang tao na na-exposed sa isang positibo sa COVID-19 o may nararamdaman na sintomas ng sakit.
Ayon kay Lim, ang unang dapat gawin ay mag-isolate upang hindi makapanghawa.
Sunod na gawin ay makipag-ugnayan sa healthcare professional na siyang magrerekomenda kung kailangan pa niyang magpa-test o hindi na.
Idinagdag din ni Lim na kung sakaling mag-positive ang resulta ng rapid test, malamang na positibo talaga ang pasyente at hindi na dapat mag-isip na baka mali ang resulta, at sasailalim pa muli sa RT-PCR test.
Binigyan-diin niya na mahalaga na maihiwalay na agad ang sarili sa iba kahit wala pang nararamdamang sintomas ng sakit.
"Tatandaan natin na bago pa tayo magkaroon ng sintomas, bago pa tayo mag-positive, two days before that nanghahawa na tayo. So yung unang araw pa lang ng pagsumpong ng sintomas nakalamang na ng dalawang araw si virus, nakapagpakalat na 'yan," paliwanag niya.
--FRJ, GMA News