Normal na sanggol nang isilang si Mark Bernardo Agcaoili ng Isabela. Pero nang magtapos siya ng elementarya, dinapuan siya ng karamdaman na dahilan para hindi na niya magamit sa pagguhit ang kaniyang mga kamay.
Sa programang Mornings with GMA Regional TV, sinabi ng ina ni Mark na si Mommy Tess, na bata pa lang ay nakahiligan na ng kaniyang anak na gumuhit.
Hanggang sa dinapuan ng tuberculous meningitis si Mark na naging dahilan ng pagkakaroon niya ng kapansanan at hindi na niya nagamit ang kaniyang mga kamay.
Bukod sa katawan, nagkaroon din ng epekto sa pag-iisip noon ang naging sakit ni Mark. Mabuti na lamang na sa paglipas ng panahon ay nagawang makabawi ng isip ni Mark at bumalik ang kaniyang hilig sa pagguhit.
Kuwento pa ni Mommy Tess, si Mark mismo ang humiling na ibili siya ng mga gamit sa pagguhit. At sa halip na kamay, sinanay ng anak ang mga paa nito sa pagguhit.
Pagkaraan ng ilang taon na pagsasanay, nagawa na ni Mark na gumuhit gamit ang paa at sumali siya sa grupo ng mga visual artist sa kanilang lalawigan.
Dahil sa angking talento ni Mark sa pagguhit, napabilang siya sa mga pinarangalan bilang isa sa mga Outstanding Artist ng Isabela.
Napakinabangan at napagkakakitaan na rin ni Mark ang kaniyang talento dahil naibebenta niya ang kaniyang mga obra, at may mga nagpapa-drawing din sa kaniya.
Sa isang episode noon ng Tunay Na Buhay, ikinuwento ng isang kasamahan ni Mark sa visual artist group na laging ang obra ni Mark ang napapansin ng mga tao kapag mayroon silang exhibit.
Ayon kay Mommy Tess, hindi niya inakala na ganoon kahusay ang talento ng kaniyang anak at makagagawa ng pangalan sa pagguhit kahit pa mayroon itong kapansanan.
Handa raw niyang suportahan lagi ang kaniyang anak na hangad niyang maging halimbawa sa iba na hindi hadlang ang kapansanan para ipagpatuloy na abutin ang pangarap.
--FRJ, GMA News