Anim na buwan makaraang maitampok sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kuwento ng batang nag-aararo na si Raymark, ngayon, mayroon na siyang sariling bahay, lupang sinasaka, at mga sasakyan.

Marami ang naantig ang damdamin nang mapanood ang kuwento ni Raymark Mariano ng Bagumbayan, Sultan Kudarat, dahil sa murang edad na sampu, ay kinailangan na niyang magbungkal ng lupa katuwang ang kabayong si "Rabagos."

Napilitan si Raymark noon na mag-araro upang makatulong sa kaniyang lolo at lola sa hanapbuhay matapos na magtago sa batas ang kaniyang ama dahil sa ilegal na baril.

Makaraang maipalabas ang kaniyang kuwento, dumagsa ang tulong kay Raymark. Natulungan din ang kaniyang ama na sumuko at harapin ang kaniyang kaso at nakapagpiyansa.

Dahil sa mga donasyon, nakabili na sina Raymark ng sarili nilang bahay, lupain na pinagtataniman nila ng mais, ilang sasakyan, at ipon sa bangko na nagagamit ng bata sa kaniyang pag-aaral.

Nadagdagan din ng tatlo ang kabayo na katuwang nila sa kanilang hanapbuhay. Iyon nga lang, napag-alaman na nitong nakaraang buwan ay namatay si Rabagos matapos na matuklaw umano ng ahas.

Ayon kay Raymark, "Hindi na po ako nag-aararo. Masaya po kasi kung ano gusto ko mabibili ko na po," sabi ng bata.

Ang biyaya na kaniyang natatanggap, ibinabahagi rin niya sa ilang kababayan sa Sultan Kudarat na nangangailangan.

Labis ang pasasalamat ni Raymark sa mga tumulong sa kaniya para makaahon siya sa hirap. At pangako niya, pagbubutihin niya ang kaniyang pag-aaral.

--FRJ, GMA News