Bagaman sa China umano naimbento ang paputok noong 200 BC, may mga nagsasabi naman na sa nagsimula ang paggamit ng paputok sa Pilipinas noong 1867 sa Sta. Maria, Bulacan bilang panggising sa mga magsisimbang- gabi.
Sa #KuyaKimAnoNa sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ni Kuya Kim Atienza na batay sa maraming historian, gumawa umano ng paputok ang mga Chinese gamit ang kawayan para takutin ang kanilang mga kalaban at itaboy ang masamang espiritu.
Sa ilang bahagi ng Mindanao, may gumagamit din ng tinatawag na kanyong kawayan para gumawa ng ingay sa pagsalubong sa bagong taon.
Pagdating sa bilihan ng mga paputok, kilala ang Bocaue, Bulacan. Pero nagsimula raw ang bentahan ng paputok sa bayan ng Sta. Maria.
Taong 1867, madalas daw gamitin ng kura paruko ng Sta. Maria ang kuwitis para gisingin ang mga magsisimbang gabi, na pinag-aralan daw gawin ni Valentin Sta Ana.
Kinalaunan ay ginawa niya itong negosyo at naging kauna-unahang tindahan ng paputok sa Bulacan.
--FRJ, GMA News