Itinuturing din na pampasuwerte ang mga halaman para sa bagong taon. Anu-ano nga ba ang mga lucky plant para sa 2022 at saang bahagi ng bahay dapat na ipuwesto ang mga ito?
Sa programang "Unang Hirit," sinabi ng feng shui consultant na si Jean Chua, na lahat ng halaman ay itinuturing lucky charm. Pero nag-iiba lamang ang kanilang mga ginagampanan base sa kanilang hitsura at katangian.
Bukod dito, ginagamit din ang mga halaman bilang pangtaboy ng negatibo at panghikayat ng magandang enerhiya para magkaroon ng kalinawan at kasiyahan sa lugar.
Itinuturing na pampasuwerte ang money tree, na mayroon pattern na anim na dahon kapag lumalaki. Paliwanag ni Jean, ang anim ay numero ng blessing at magdadala ito ng good income.
Pupuwedeng ilagay sa hallway ng bahay ang money tree para makaakit ng magandang kita.
Pampasuwerte rin ang NJoy Pothos na may kulay puti, na simbolo ng kapayapaan at kaayusan, at ang berde naman ay simbolo ng pera at suwerte.
Kaya mainam daw itong ilagay sa sala.
Ang Aglaonema naman ay may pula na kulay ng passion, creativity at luck. Mabuti rin ang halamang ito para sa mga career person na naghahanap ng mga oportunidad, at pag-attract ng good money luck.
Maganda umano itong ilagay sa hilagang bahagi ng bahay o sa sala.
Ang peace lily naman na kulay berde at puti ay simbolo ng victory at leadership, at clarity and focus sa paghahanap ng suwerte sa pera.
Sa sala rin ito maganda umanong ilagay.
Ang snake plant na pataas ang dahon ay simbolo ng pagdadagdag ng status, luck, fame recognition, achievement at success.
Mayoon din itong dilaw na simbolo ng pera at stability kaya maganda itong ilagay sa bahay.
Hindi naman ipinapayo ni Chua na maglagay ng mga halaman sa kuwarto o master bedroom dahil makakaapekto umano ito sa magandang sirkulasyon sa pagtulog.
Kung nais talagang maglagay ng halaman sa kuwarto o master bedroom, piliin lamang ang maliit na halaman at huwag dadamihan.
--FRJ, GMA News