Maraming pagsubok ang naranasan ngayong taong 2021. Pero papaano kaya makakamit sa mga tahanan ang positive energy o suwerte sa 2022 na Year of the Water Tiger? Alamin ang payo ng isang feng shui consultant.
Sa programang "Unang Hirit" nitong Miyerkules, sinabi ng feng shui consultant na si Johnson Chua na maaaring gamitin ang lucky color ng 2022 na dilaw o puti sa mga hapag-kainan.
Isa umano sa pinakamahalagang bahagi ng bahay ang hapag-kainan, na sumisimbolo sa kasaganahan ng buhay.
Ang dilaw umano ang kulay ng katatagan at pagiging masagana, ayon kay Chua.
Dagdag pa niya, maganda kung magiging maaliwalas o maluwag ang hapag-kainan dahil nangangahulugan ito ng magaan ang pasok ng energy.
Hindi naman ipinapayo ni Chua ang paglalagay ng flower vase sa lamesa dahil sa "five yellow star." Mas mainam umano kung papalitan ang mga flower vase ng mga disenyong bilog na ornament, o prutas.
Paliwanag naman ni Chua tungkol sa kusina, ito ang pinakamahalagang parte ng bahay dahil dito nangyayari ang money-making energy, health energy at harmony energy.
Kaya kung ang kusina ay medyo magulo o disorganized, maaapektuhan nito ang harmony sa bahay at magiging palaisip at emosyonal ang mga miyembro ng pamilya.
Babagal din umano ang daloy ng pera.
Kaya hinikayat ni Chua na ayusin ang mga kagamitan sa kusina, at hindi dapat magkatabi ang lababo at kalan.
--FRJ, GMA News