Hindi lang kultura at tradisyon na napreserba ng tribong Subanen sa Mindanao, kung hindi maging ang sagradong paraan ng paggawa nila ng kanilang alak na kung tawagin ay "Pangase."

Sa programang "iJuander," sinabing sa mabundok na bayan ng Siayan sa Zamboanga del Norte, naninirahan ang karamihan ng mga Subanon.

Ang pangase ay isang uri ng fermented wine na makikita na sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Sa pahintulot ng mga Subanon, nakagagawa na rin ang lokal na pamahalaan ng Siayan ng pangase na gamit ang modernong paraan.

Pero hindi pa rin nila sinasamantala at binabalewa ang tradisyon na paggawa ng pangase ng mga Subanon.

Kaya naman ang bayan ng Siayan, kilala na ngayon bilang "Pangase Town."

Ibinahagi ni Johnny Anugon Sr.,  ang Timuay o tribal leader sa kanilang lugar, at nagsisilbing Indigenous People's Mandatory Representative (IPMR) ng Siayan, ang ilang bahagi ng tradisyunal na paggawa ng pangase.

Bahagi ng mga pagtitipon ng mga Subanon ang naturang inumin tulad sa pagdiriwang ng mga kaarawan, kasal at buklog, o ritwal ng pasasalamat.

Kuwento ni Anugon, 20-anyos siya nang tinuruan siya ng kaniyang mga magulang na gumawa ng pangase.

Gawa ang pangase sa kamoteng-kahoy na pinakuluan at hinaluan ng tapay, na gawa sa 60 herbs at spices, na siyang magsisilbing "espiritu" ng alak.

Sagrado sa mga Subanon ang paggawa ng tapay, at sila lang ang nakaalam kung papaano ito ginagawa.

Kapag nailaga na ang kamoteng-kahoy, hiwain ito ng maliliit at ihahalo ang tapay. Pagkatapos ay ilalagay naman ang ipa ng bigas.

Sa sandaling mapaghalo-halo na, isang araw itong ilalagay sa bukag o basket na may dahon ng saging na ginagamit sa pagbuburo.

Pagkaraan nito, ililipat na ito sa banga at hahayaan na maproseso ang alak nang hindi bababa sa isang buwan.

Mas matagal sa banga, mas masarap umano ang pangase.

Ang lasa at tradisyonal na paraan ng pag-inom ng pangase nang hindi inilalagay sa baso, alamin kung papaano sa video ng "iJuander." Panoorin.

--FRJ, GMA News