Winika ni Maria: "Narito ang lingkod ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ang iyong sinabi, at nilisan siya ng Anghel". (Lucas 1:38 mula sa Paulines Bible)
MAYROONG mahigpit na alituntunin na ipinatutupad sa hanay ng kasundaluhan na kung tawagin sa wikang Ingles na, "Obey first, before you complain".
Ang ibig sabihin nito, kapag inutusan ng isang opisyal ng militar ang sundalong mas mababa ang ranggo, kailangan niya sumunod sa utos; kahit pa labag sa kalooban niya. Dapat niya kasing sumunod muna sa utos bago magreklamo.
Kung paiiralin kaya ang ganitong kalakaran sa mga sibilyan, mas magiging disiplinado kaya ang mga tao at matututong sumunod sa batas?
Napakahalaga talaga ang pagsunod, maging ito man ay isang batas o isang utos. Sapagkat dito makikita ang pagiging disiplinado ng isang tao. Ito ang humuhubog sa kaniyang karakter bilang isang responsableng tao.
Ngunit mas lalong magiging maganda kung ang mga utos ng ating Panginoong Diyos ang susundin ng mga tao. Kung mangyayari kasi ito, malamang na wala nang matatawag na masamang tao.
Lahat ay nabubuhay sa kabutihan, mayroong pag-ibig sa bawat isa, walang magkaka-away at lahat ay nagmamahal at may takot sa Diyos.
Natunghayan natin sa Mabuting Balita (Lucas 1:26-38) na ang Ina ng ating Panginoong HesuKristo na si Maria ay nagpaubaya sa kagustuhan ng Diyos tulad ng isang mabuting kawal. Kaniyang winika na, "Narito ang lingkod ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ang Iyong sinabi."
Ipinagdiriwang nitong Miyerkules ang "Immaculate Conception," o ang Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi ng Mahal na Birheng Maria.
Ito ang araw na ginugunita natin ang pagpili ng Panginoon kay Maria para gampanan ang isang dakilang misyon upang maging Ina ng ating Tagapagligtas na si HesuKristo.
Hindi tumutol si Maria sa plano ng Panginoong Diyos para sa kaniya. Bagama't nakatakda na sana ang pag-iisang dibdib nila ni Jose, ang lalaking ipinagkasundo sa kaniya mula sa lahi ni David. (Lk. 1:26-27)
Gayunman, sumunod si Maria sa kagustuhan ng Diyos nang walang reklamo. Sapagkat buong puso siyang nagtiwala sa Panginoon. Hinayaan niya ang Diyos na siyang lumilok sa kaniyang kapalaran bilang Ina ni Hesus. Ang magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. (Lk. 1:31-33)
Itinuturo sa atin ngayon ng Pagbasa na kung magiging masunurin lamang tayo tulad ng Birheng Maria, at hahayaan natin ang Panginoong Diyos na siyang kumilos sa ating buhay, nakatitiyak tayo na magiging maganda din ang ating kinabukasan at kapalaran.
Sapagkat kung ipauubaya at ipagkakatiwala lamang natin sa Panginoon ang ating buhay katulad ng ginawa ni Maria, aayusin din ng Diyos ang ating buhay dahil lagi Niyang hinahangad kung ano ang makakabuti para sa atin.
Katulad ng pagtitiwala ng Birheng Maria, nawa'y sabihin din natin na, "Narito ang lingkod ng Panginoon, maganap nawa sa akin ang Iyong sinabi."
Manalangin Tayo: Ama namin, nawa'y sa pamamagitan ng Ebanghelyo ay matutunan namin ang magtiwala sa Inyo sa halip na pagkatiwalaan namin ang aming sariling kakayahan. Batid namin na kapag Ikaw ang kumilos sa aming buhay magiging maganda rin ang aming kapalaran. AMEN.
--FRJ, GMA News