Dahil sa matinding galit umano sa ama, siniliban ng anak ang kanilang bahay sa Tuguegarao City, Cagayan. Pero sa kabila ng nangyari, namayani pa rin ang pagmamahal ng mga magulang sa suspek at iniurong ang reklamo laban sa suspek. Alamin kung ano ang ikinagagalit ng anak sa kaniyang ama?
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nangyari ang insidente bago maghatinggabi noong Nobyembre 2. Nilamon ng apoy ang bahay ng pamilya Catolos matapos itong sunugin ni Randy, 34-anyos.
Mangiyak-ngiyak ang ina ni Randy na si Teresita nang wala silang naisalba sa kanilang bahay, kung saan kasamang natupok ang ipon ng ginang na P22,000.
Bago nito, nasa ilalim na ng impluwensya ng alak si Randy nang makaalitan ang amang si Martin na kainuman niya.
"Naririnig ko po sila. Pinaparinigan 'yung tatay niya na 'Pa sigurado naman magtino ka na. kung hindi ka pa magtino susunugin kita!'" ayon kay Teresita.
Sabi naman ni Randy, "Parang may nagtulak sa akin na bumili ako ng gasolina. Kung hindi sana sila umalis, hindi sana natuloy 'yun."
Nagtago si Randy matapos ang panununog pero nahuli rin siya ng mga awtoridad kinalaunan.
Pero noon pa man, madalas nang magtalo ang mag-amang Randy at Martin dahil umano sa pananakit ni Martin sa kaniyang asawang si Teresita.
"May phobia po ako sa kalasingan ng asawa ko. Minumura po ako 'Animal,' 'Peste ka' 'Bobo.' 'Yun ang hindi ko na kaya na matanggap," sabi ni Teresita tungkol sa kaniyang asawa.
Ayon naman sa padre de pamilya, libangan niya lang at patanggal stress ang pag-iinom.
"Noong bata ako, ang tatay ko talagang lasenggero na 'yan, Kami ni mama noon, binabato ang bahay. Binubugbog kami, na-trauma na ako," giit ni Randy.
Dahil dito, naging rebelde si Randy at natuto ring mag-inom ng alak.
"Namana rin sa akin, pero kahit nakainom ako, alam ko ang ginagawa ko sa pamilya ko. Eh siya (Randy) kapag nalasing na siya, kahit ako sasaktan," sabi ni Martin.
Kaya naman kapag sabay na nalasing ang mag-ama, nagpapang-abot sila, dahilan para ilang beses na silang ireklamo sa barangay.
Kasunod ng nangyaring panununog, pinagharap sa barangay ang mag-asawang Martin at Teresita, at ang kanilang anak na si Randy.
Dito ay nagkaroon sila ng pagkakataon na maglabas ng sama ng loob nila sa isa't isa.
Iginiit ni Randy ang paglalasing ng amang si Randy ang dahilan ng kaniyang pagrerebelde, bagay na pinabulaanan ni Martin.
Si Teresita, ayaw nang patuluyin si Randy sa kanilang tahanan, pero nagbago rin kalaunan ang desisyon.
"After three days po, tumawag sa akin, humingi ng tawad. Pinapatawad ko naman na. Wala namang magulang na kahit kailan, anak mo pa rin 'yan. Iurong ko na lang po ang kaso," sabi ni Teresita.
"Magbago ka na sa buhay mo!" mensahe ni Martin sa anak.
"Ma, sorry ma! Patawarin mo ako sa mga kasalanan ko sa'yo, sa inyong dalawa. Kahit anong pagkukulang ninyo sa akin noon, okay na sa akin," mensahe naman ni Randy sa mga magulang.
Isinailalim na rin ang pamilya sa counselling.
--FRJ, GMA News