Hinangaan ang isang lola sa Numancia, Aklan dahil kahit hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral, nagpa-tutor siya sa Math para matulungan ang apo na hirap sa pagsagot sa module.
Sa mga larawang ibinahagi ni Teacher Rodney Nicodemus sa GMA Regional TV, at mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang seryoso niyang pagbibigay ng tutorial sa 79-anyos na si Lola Merlita Militar.
"She approached me na kung puwedeng turuan ko raw siyang muli. This is the second time around na magpapaturo siya sa akin in Mathematics," ayon sa guro.
"So ang topic na kaniyang ipatuturo sa akin is subtraction of mixed numbers na kung saan hindi raw alam ng kaniyang apo at hindi rin niya alam," sabi ni Teacher Rodney.
Sinabi naman ni Lola Merlina na, "May mga plus 'yan na nakukuha, 'yon ang gusto kong maintindihan."
Si Lola Merlita ang nagbabantay sa kaniyang mga apo na 11-anyos at 4-anyos.
Naninirahan sila sa Numancia, samantalang nagtatrabaho sa Cebu ang magulang ng mga bata.
Pag-amin ni Lola Merlita, pahirapan ang pagtuturo niya sa mga apo ng kanilang lessons sa blended learning, lalong lalo sa Math.
Gayunman, pursigido si Lola Merlita na matuto para matulungan sa pag-aaral ang kaniyang mga apo.--FRJ, GMA News