Nalapnos at namaga ang bahagi ng mukha at katawan ng dalawang bata sa magkahiwalay na insidente ng pagkakabuhos sa kanila ng bagong kulong tubig. Sa ganitong pangyayari, hindi lang ang mga bata ang sasaktan, kung hindi pati na rin ang kanilang mga magulang.
Sa "Lapnos" na ulat ni Saleema Refran sa programang "Brigada," makikitang hindi maidilat ng magdadalawang taong gulang na si Baby Ethan ang kaniyang mga mata matapos magtamo ng matinding lapnos sa mukha at katawan.
Ayon kay Heide Marie Napne Exnowski, Setyembre 6 nang tumakbo si Baby Ethan sa kanilang bahay. Pero hindi siya naabutan ng kaniyang lolo kaya bumangga ang paslit sa maliit nilang ref.
Nagkataon naman na may nakapatong na kawali na may mainit na tubig sa ref, at nang mabangga ito ni Ethan, nabuhusan siya ng mainit na tubig.
Agad na dinala sa ospital si Ethan, na dumugo pa ang ulo at iyak nang iyak.
Dumoble pa ang pasakit kay Heidi dahil nagpositibo pa sa COVID-19 si Ethan.
Nagtamo si Ethan ng second degree burns, ayon sa mga doktor na sumuri sa kaniya.
Maga at tuklap ang mga balat sa mukha ni Ethan, at umabot ang pagkalapnos hanggang sa dibdib.
Dahil sa hapdi ng kaniyang sugat, hirap din na pakainin si Ethan, na nakakatulog na lang minsan nang nakaupo dahil sa kirot ng sugat.
Ito rin ang sinapit ng apat na taong gulang na si Sabel.
Ayon sa ama ni Sabel na si Jovhan Lisao, nagpapakulo siya ng mainit na tubig sa kaldero at inilagay niya ito sa ilalim ng upuan kung saan naroon ang bata.
"Hindi naman po alone sana si Baby, magkasama po talaga sana kami. Kaso nga lang tumalikod nga lang talaga ako eh, and then it's just so happened na accident. Natumba talaga 'yung upuan na tinatayuan niya tapos sumentro talaga siya roon sa may kaldero," sabi ni Jovhan.
Umabot sa 89 porsyento ang nasunog sa katawan ni Baby Sabel, at 39 porsyento nito ang second degree burn.
Nakatakdang sumailalim sa tatlong operasyon si Sabel para maisaayos ang nalapnos na balat sa pamamagitan ng skin grafting.
Tunghayan sa video na ito ng "Brigada" ang matapang na paglaban ng mga paslit sa kanilang pinagdaanan. At papaano nga ba maiiwasan ang mga naturang insidente sa mga bata. Panoorin.
--FRJ, GMA News