Maiiwasan ang hiwalayan ng mga mag-asawa kung ang Panginoon Diyos ang nasa sentro ng kanilang pagsasama (Marcos 10:2-16)
Maraming bagay ngayon dito sa ibabaw ng mundo ay "instant" na. Hindi mo na kailangan pang "mag-effort" para makamit ang ilan sa mga bagay na ito.
Maging ang proseso ng ligawan ay matatawag na "instant" na rin. Sapagkat sa maikling panahon at mabilisang panliligaw sa internet, ang babae at lalaki ay nagiging magkasintahan na kahit hindi pa personal na nagkikita.
Kaya naman dahil sa mabilis ang proseso, ginagawa na rin "instant" ang relasyon. Kaya naman kung anong bilis nilang maging mag-on, ganundin kabilis silang mag-off.
Kaya pinapaalalahanan tayo ng Mabuting Balita (Marcos 10:2-16) tungkol sa kahalagahan at sanctity (kabanalan) ng kasal. Patungkol sa mga mag-asawa na nagkakaroon ng problema sa kanilang pagsasama.
Itinuturo ng Pagbasa na ang kasal ay isang sagradong sakramento. Ngunit may iba na hindi ito lubos na nauunawaan at inaakalang isang pirasong "papel" lang ang kanilang pag-iisang dibdib.
Dahil unti-unting nawawala ang kabanalan ng kasal sa isang mag-asawa, kahit sa maliit na problema lang ay hiwalayan na ang kanilang solusyon.
Maaaring ang ilan sa pinag-uugatan ng hiwalayan ng isang mag-asawa ay ang mga sumusunod na kadahilanan.
- Dahil marahil mabilis ang proseso ng ligawan at kasalan, hindi nila masyadong nagkakilala nang mabuti ang isa't isa. Kaya kapag makita na ang "pangit" sa taong kanilang pinakasalan [gaya sa ugali o hilig]--ayawan na.
- Maikli ang pasensiya ng bawat isa. Kapag nagkakaroon sila ng hindi pagkaka-intindihan ay nagdedesisyon na agad silang maghiwalay. Sa halip na pag-usapan nila ang problema at magkapatawaran ang isa't isa, ay solusyon uli nila--ayawan na.
- Minsan, ang umiiral sa mag-asawa ay pride. Masyadong mataas ang ere ng bawat isa. Kaya sa halip na magbigayan at magpakumbaba, lalong lumalala ang kanilang sigalot.
Ngunit kung ang nasa sentro ng kanilang pagsasama ay ang Panginoong Diyos, magiging matatag ang pagsasama ng mag-asawa kahit ano pang problema ang kaharapin nila.
Hinding-hindi matitigatig at masisira ang kanilang pagsasama dahil napakatibay ng kanilang pundasyon. Ang pundasyong ito ay walang iba kundi ang Panginoon.
Kapag inilagay nila si Hesus sa gitna ng kanilang pagsasama, doon nila matututunan ang magbigayan at ibaba ang kanilang mga pride. Dahil ang mangingibabaw sa kanila ay pag-ibig para sa isa't isa, gaya ng pag-ibig ni Hesus sa atin.
Manalangin Tayo: Panginoon, ipinapanalangin po namin ang mga mag-asawa. Nawa'y matutunan po nila ang magbigayan sa isa't isa upang maiwasan ang mga hiwalayan. Nawa'y ilagay po sana nila sa kanilang pagsasama ang Panginoong Diyos. AMEN.
--FRJ, GMA News