Kung magtitiwala lamang tayo sa Diyos, hinding-hindi tayo magkakamali sa buhay (Lucas 5:1-11)
Marahil minsan ay magtataka tayo kung bakit ang isang karpintero na si Hesus ang nagtuturo sa pangingisda kina Simeon Pedro at iba pang Disipulo, gayung ang mga hanapbuhay nila ay pangingisda.
Maaaring hindi usapin dito ang kanilang mga propesyon bilang mangingisda, sa halip ay ang pagsunod sa kalooban at kagustuhan ng Kanilang Maestro na si HesuKristo.
Mababasa natin ang kuwento ng pagsunod sa kalooban ng Panginoong Diyos sa ating Mabuting Balita (Lucas 5:1-11).
Matapos mangaral ni Hesus ng Salita ng Diyos sa napakaraming tao, sinabi niya kay Simeon Pedro na pumalaot sila at ihulog ang kanilang mga lambat upang manghuli ng mga isda. (Lk. 5:4)
Tumugon si Pedro na magdamag na silang nasa laot subalit wala naman silang nahuli. Ngunit dahil sa sinabi ni Hesus, sumunod si Pedro at inihulog nga niya ang lambat. (Lk. 5:5)
Bagama't nagdadalawang-isip si Pedro, nagpaubaya pa rin siya sa kagustuhan ni Hesus. Nagtiwala siya dahil hindi maaaring magkamali ang isang katulad ni Kristo na puspos ng kapangyarihan at karunungan.
At nagulat siya sa dami ng isda na nahuli sa kaniyang nalambat.
Itinuturo sa atin ng Pagbasa na kung magtitiwala din tayo sa karunungan at kapangyarihan ng Panginoong Diyos-- gaya ni Simeon Pedro-- nakatitiyak tayo na hinding-hindi tayo magkakamali sa ating buhay.
Ang lahat ng desisyong gagawin natin ay siguradong tama kung ito ay ating ipagkakatiwala sa Diyos.
Kaya naman, mababasa pa natin sa Ebanghelyo na matapos sumunod ni Pedro sa kagustuhan ni HesuKristo, ganoon na lamang ang kanilang pagkamangha dahil sa dami ng isdang nahuli nila na halos mapunit na ang kanilang lambat. (Lk. 5:6)
Pinatutunayan ng kuwentong na walang imposible sa Panginoong Diyos. Ang mga taong nagtitiwala sa Kaniya ay dinadaluyan ng nag-uumapaw na biyaya at pagpapala.
Kung minsan, may mga plano tayo sa buhay at mga pangarap na nais nating makamit. Ngunit ipinagtataka natin kung bakit hindi ito nangyayari sa kabila ng mga ginagawang panalangin.
Ngunit bukod sa tanong kung makabubuti ba sa atin o sa mga mahal natin sa buhay ang ating hinahangad, baka may ibang plano ang Diyos na kailangan nating gawin na hindi natin napapansin.
Baka sa halip na sa kaliwa ang direksyon na nais mong puntahan, iginagabay ka ng Panginoon patungo sa kanan. Pero ipinipilit mo pa rin ang sarili mong kagustuhan na lumakad pakaliwa?
Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na magtiwala at sumunod sa kalooban ng Panginoong Diyos. Sapagkat kapag buong-buo ang ating pagtitiwala sa Kaniya ay hinding-hindi ka magkakamali.
Katulad ng napakaraming isda na nahuli nina Pedro, ganoon din karami ang mga biyaya at pagpapala mula sa Diyos na dadaloy sa ating buhay.
Manalangin Tayo: Panginoon, turuan Mo po kami na magtiwala sa Inyo. Nawa'y matutunan namin ang sumunod sa Iyong kalooban nang walang pag-aalinlangan. AMEN.
--FRJ, GMA News