Mula sa dating pagiging pulibi, nagsikap sa kaniyang pag-aaral at naging honor student si Eugene dela Cruz. At para maipagpatuloy ang pag-aaral sa online schooling, nag-ipon siya ng pambili ng laptop pero nabiktima siya ng online scam.
Para maipagpatuloy ang pag-aaral niya sa kolehiyo sa online class, nanghihingi si Eugene ng donasyong piso sa social media para makabili ng laptop.
Tinawag niya itong Piso Para sa Pangarap.
Nagtrabaho rin siya bilang tutor sa ilang estudyante para may maipangdagdag sa pambili ng laptop.
At nang malikom na ang sapat na pera, bumili siya ng laptop mula sa isang online seller sa Facebook. Pero sa kabila raw ng kaniyang pag--ingat, nabiktima pa rin siya ng scam at natangay ang kaniyang pera.
Si Eugene ang unang estudyante sa kanilang paaralan na nagkamit ng gradong 98. Nagkaroon siya ng mahigit 150 medalya sa high school at nagtapos na with the highest honors sa Hilongos National Vocational School sa Leyte.
Naipasa niya ang entrance test sa University of the Philippines at nakatanggap ng alok sa Ateneo de Manila University at De La Salle University na full scholarship.
Mahalaga para kay Eugene ang bawat piso dahil at ito rin ang bumuhay sa kaniya noong maging palaboy siya at namalimos.
Nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang, napunta siya sa pangangalaga ng kaniyang lola. Pero sinasaktan daw siya nito kaya napilitan siyang maglayas.
“Tinapon niya po lahat po ng gamit ko po sa labas. Pagtapon po kasi ng bag ko po, wala po talagang laman po na kahit ano, kahit piso po, wala po, bente singko sentimos, wala din po,” kuwento ni Eugene.
“Naging mahalaga po ’yung bawat piso po na kikitain ko po kasi alam ko po 'yung pakiramdam po na talagang walang wala po,” dagdag pa niya.
Matapos ang ilang taon ng pagiging palaboy, natagpuan siya ng kaniyang ama pero iniwan siya sa pangangalaga ng kaniyang stepmom sa Leyte.
Dito na siya nagpatuloy ng pag-aaral at nagsumikap.
Pero hindi rin sapat ang kita ng kaniyang stepmom na si Elsa Pilongo.
“Sabi ko ‘Eugene, paano iyan? Hindi ko kayang mapag-aral ka,’” ani Elsa. “Sabi niya sa akin, siya na lang daw ang bahala magdiskarte, maghanap siya ng magsuporta.”
Kaya naman itinaguyod ni Eugene ang pag-aaral para makamit niya ang pangarap na maging abogado.
Pero nabiktima siya ng scammer nang makuha ang pera na pambili niya sana ng laptop na gagamitin niya sa online class sa kolehiyo.
Matutuloy pa kaya si Eugene sa kaniyang pag-aaral? Tunghayan sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang buo niyang kuwento at alamin kung sino ang nagbigay sa kaniya ng pag-asa matapos siyang pagkalooban ng bagong laptop. Panoorin.
–FRJ, GMA News