Kahit hindi kompleto ang kaniyang katawan, buong-buo naman ang katatagan ng isang ama sa Sultan Kudarat upang gampanan ang kaniyang responsibilidad na buhayin ang kaniyang asawa at anim na anak.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, ipinakilala si Jerry Paez na naputol ang isang binti dahil sa komplikasyon sa diabetes noong 2001.
Pagsapit ng 2008, isang non-governmental organization ang nag-donate sa kaniya ng artificial leg. Pero sa paglipas ng panahon, naluma na ito at nabasag.
Pero dahil wala naman siyang pambili ng bagong artificial leg, pinagtitiisan ni Jerry ang lumang artificial leg na basag-basag na.
Upang hindi siya masyadong magsaktan kapag ikinakabit ang artificial leg, nilalagyan niya ng tela ang dulo ng kaniyang binti.
Tinatalian din niya ng goma mula sa lumang gulong ang artificial leg para hindi matanggal sa kaniyang binti.
Mula sa kanilang bahay, may isang kilometro ang nilalakad ni Jerry para marating ang sakahan kung saan siya nakakapaggapas ng palay.
Upang may dagdag na kita, umaakyat din siya sa mabato at maputik na bundok na inaabot ng isang oras bago niya marating para naman mag-uling.
May araw din na bumababa siya sa mga kabahayan upang umakyat naman sa mga puno upang magputol ng mga sanga.
Sa halos buong araw niyang paggawa sa pagpuputol ng mga sanga, kumikita siyang P300.
May pag-asa pa kayang mapalitan ang artificial leg ni Jerry para kahit papaano ay gumaang ang kaniyang pakiramdam sa mabigat na pagtatrabaho?
Tunghayan ang kahanga-hangang kuwento ng isang ama padre de pamilya sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News