Humingi ng payong legal sa "Sumbungan ng Bayan" ang isang ginang tungkol sa ginagawa ng kaniyang mister na pinaninindigan na umano ang pagiging babaero na labis na ring nakaapekto sa kanilang anak.
Sumbong pa ng ginang, dalawang beses nang umalis ng bahay ang kaniyang asawa, at paulit-ulit na nambababae. Bukod dito, nababasa rin ng kanilang anak ang chat ng kaniyang mister sa ibang babae nito.
Ayon kay Atty. Joseph Cerezo, maaaring maharap ang mister sa paglabag sa Violence Against Women and Their Children (VAWC) law dahil kasama roon ang psychological violence.
Kung sa tingin ni misis ay kailangan nang putulin ang relasyon niya sa kaniyang mister, maaari umano itong gawin sa pamamagitan ng declaration of nullity of marriage dahil sa "psychological incapacity" ng kaniyang asawa.
Ang paninindigan sa pambababae ng isang mister ay isang elemento ng "psychological incapacity" na hindi na nagagamot, ayon kay Atty. Cerezo.
Panoorin sa video ang buong pagtalakay sa naturang problema ng ginang sa kaniyang mister.
--FRJ, GMA News