Lingid sa kaalaman ng marami, ang paglobo ng tiyan o ng mga daliri ng isang tao ay maaaring bunga ng kaniyang sakit sa puso. Anu-ano nga ba ang mga kondisyon sa puso na nagdudulot nito?

Sa programang "Pinoy MD," itinampok ang kondisyon ng batang si Venus Alqueza ng Pinamungajan, Cebu, na lumobo ang mga daliri sa kamay at paa dahil sa butas sa kaniyang puso.

Ayon sa cardiologist na si Dr. Allan Gumatay, finger clubbing ang tawag sa kondisyon ng bata na dumadami ang daloy ng dugo sa dulo ng daliri imbes na sa buong katawan.

"Dahil mayroong butas, imbis na lahat ng dugo ay nao-oxygenate ng baga, hindi lahat na-o-oxygenate dahil doon sa butas. So hindi gaanong nagkakaroon ng tamang amount ng oxygen 'yung dugo nitong si Venus," sabi ni Dr. Gumatay.

"Palaki ito nang palaki habang hindi naiko-correct ang butas," sabi ni Dr. Gumatay.

Ang 54-anyos naman na si Rolly Aluer ng Teresa, Rizal, bumukol ang tiyan dahil sa tubig sa kaniyang puso at baga.

"'Yan po ang mga sintomas ng heart failure. Kaya po lumalaki ang tiyan niya ay kapag mahina ang puso, nalulunod siya. Then 'yung lunod na iyon, sasaluhin ng baga, so inuubo, hinihingal. And then pagka hindi na kaya ng baga, sasaluhin ng atay. Parang pakiramdam busog, ngayon, lumalaki," ayon kay Dr. Gumatay.

"Heart failure is usually end stage na siya, nasa dulo na siya ng heart spectrum na problem," dagdag ni Dr. Gumatay.

Sa kasalukuyan, nasa walong gamot kada araw ang kailangang inumin ni Rolly para sa kaniyang sakit.

Lumabas sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nangunguna ang Ischemic heart disease sa mga sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino.

Alamin sa video ng "Pinoy MD" kung paano maiiwasan ang sakit sa puso. Panoorin.

--FRJ, GMA News