Sa "Sumbungan ng Bayan," isang netizen ang humingi ng payo kung puwede bang kasuhan ng lalaki ang misis nito na bukod sa nakipag-live in na sa iba ay nanghihingi pa umano na sustento pati ang bagong partner nito.
Ayon sa netizen, hindi naman nagkulang ang lalaki sa kaniyang pamilya pagdating sa pinansyal na obligasyon. Pero sa ibang bahay daw nagpunta ang misis nang mag-abroad ito.
Tinanong ng netizen kung may karapatan ba ang lalaking asawa na sustentuhan pati ang ka-live in ng babae, at kung may karapatan din ba ang babae na humingi kung magkano ang dapat na ibibigay ng lalaki sa kanilang mga anak.
Ayon kay Atty. Sonny LeaƱo, maaaring magsampa ng kaso ng adultery ang lalaki laban sa kaniyang asawa pati na rin sa ka-live in nito, base na rin sa batas.
Pangalawa, isinaad sa Family Code of the Philippines na hindi obligado ang lalaki na suportahan ang kaniyang asawang nakipag-live in dahil ito ang umalis sa "conjugal home" nang walang sapat na dahilan.
Mas lalong hindi rin obligado ang lalaki na suportahan ang ka-live in ng kaniyang misis.
Gayunman, meron pa ring obligasyon ang lalaki na suportahan ang kanilang mga anak.
At kung sakali mang nasa kustodiya ng babae ang kanilang mga anak, maaaring mag-file ang lalaki para sa sole custody ng kanilang mga anak.
Panoorin ang buong talakayan sa video ng "Sumbungan ng Bayan."
--FRJ, GMA News