Inihayag kamakailan ng World Health Organization (WHO) at Center for Disease Control and Prevention ng Amerika na posibleng airborne ang COVID-19. May kinalaman kaya ito sa mutation ng mga COVID variant?

Sa GMA News "Unang Hirit" nitong Martes, ipinaliwanag ni Dr. Rontgene Solante, miyembro ng Department of Science and Technology (DOST) vaccine expert panel, na dalawa ang klase ng transmission ng virus sa tuwing umuubo ang isang tao.
Aniya, ang pagiging airborne ng virus ay kung saan mayroong mga mas maliliit na particle ng virus na natatangay ng hangin, at ang droplet kung saan naroon ang mga mas malalaking particle.

"When you say airborne, since the virus particle is already aerosolized, and a very small particle, it will be more than three feet. In fact up to eight feet, nandoon siya sa air," sabi ni Solante.

"So the chance of you getting the infection, even if you are three feet or four feet from the person who is sneezing or coughing, mas makukuha mo 'yung virus pa rin compared to the droplet," dagdag niya.

Sinabi ni Solante na noon pang magsimula ang pandemya, kinonsidera nang airborne ang COVID-19, at wala itong kinalaman sa mutation ng mga variant.

"Hindi ito related with the variant but it's related with the size of the virus. So hindi naman dahil nag-mutate siya, kaya naging airborne. It's just that we need additional data and evidence na talagang airborne," patuloy ng doktor.

Ayon pa kay Solante, mas mataas ang tiyansa ng isang tao na makuha ang virus kapag nasa loob siya ng isang enclosed space na walang ventilation, dahil maaaring manatili ng dalawa hanggang tatlong oras ang virus sa ere.

Panoorin ang buong talakayan sa naturang usapin.--FRJ, GMA News