Hindi bibiguin ng Diyos ang bawat humihingi, naghahanap at kumakatok sa Kaniya (Mateo 7:7-12).
Ang sino mang anak na humingi ng tulong at awa, kahit gaano pa siya kasama, ay hindi matitiis ng kaniyang ama. Kahit pa sabihin natin na kasingtigas ng bakal ang puso ng isang ama, kapag nagsumamo ang anak, ito ay lalambot na parang mamon.
Ganito ang mensaheng nais iparating sa atin ng Mabuting Balita (Mateo 7:7-12), nang ipahayag ni Hesus na: "Humingi kayo at kayo'y bibigyan. Humanap kayo at kayo'y makakatagpo at kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan" (Mt. 7:7).
Sino nga bang ama ang magkakait sa kaniyang anak ang ano mang hilingin nito [materyal man o personal] basta kayang ibigay. Kung minsan pa nga, kahit hindi kaya ng ama, naghahanap siya ng paraan para maibigay ang gusto ng anak upang mapasaya niya ang kaniyang sariling dugo at laman.
At sa panahon na nakagawa ng pagkakasala o pagkakamali sa desisyon ang anak, nandiyan lagi ang ama para unawain at gabayan sa tamang direksiyon ng buhay ang anak.
Wala sigurong ama ang hindi maawa at lalambot ang puso kapag nakita ang anak na naninikluhod at humihingi ng kapatawaran.
Kaya ipinahayag ni Kristo sa Ebanghelyo na: "Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya'y humihingi ng tinapay?" (Mt. 7:9).
Kung ang isang ama na may matigas na puso ay lumalambot para sa kaniyang anak, papaano pa kaya ang ating Panginoong HesuKristo? Lagi Siyang handang magpapatawad sa mga taong lumalapit sa Kaniya para humingi ng kapatawaran at nagbabalik-loob.
Ang bawat naghahanap ng katahimikan ng puso at isipan ay tanging sa Panginoong Diyos lamang natin matatagpuan.
Minsan, sa ibang larangan natin hinahanap ang kaligayahang hinahangad natin. Ang akala natin, matatagpuan natin ang kaligayahan sa ibang tao, sa mga materyal na bagay o sa bisyo. Ngunit hindi.
Tinitiyak sa atin ni Hesus na hindi tayo mabibigo kung sa Panginoong Diyos natin hahanapin ang kaligayahang hinahanap natin na magbibigay ng kapayapaan sa ating puso at isip.
Minsan na rin akong nagkamali at nagkasala sa paghahanap ng kaligayahan sa mga maling paraan. Hanggang sa mapagtanto ko na ang kaligayahan na hinahanap ko ay kapanatagan ng puso at isip ay ang Amang nasa Langit ang makapagbibigay.
Kaya ako'y lumapit at kumatok sa pintuan ng puso ng ating Panginoon, at ako'y Kaniyang pinagbuksan. Napakabuti Niyang Ama na handang patawarin tayong mga anak Niya na nagkakasala at handang magbago at magbalik-loob sa Kaniya.
Manalangin Tayo: Panginoon naming Diyos, nagpapasalamat po kami dahil sa kabila ng aming pagiging makasalanan ay patuloy Mo kaming inuunawa. Patawarin Mo kami kung sa maling paraan namin hinahanap ang kapayapaan ng puso at isip na Ikaw lang ang tunay nakapagbibigay. AMEN.
--FRJ, GMA News