Huwag tayong mag-alala sa pagkaing nasisira at magpapahamak sa ating kaluluwa (Juan 6:22-29).
Maraming tao ang dumagsa sa mga pamilihan kapag nagkakaroon ng lockdown para mag-imbak ng pagkain. Ang iba pa nga, nagpa-panic buying pa.
Samantalang ang mga mahihirap at walang pera ay hanggang panic na lang dahil wala naman silang pambili.
Kung nagpa-panic buying ang mga tao para sa pag-imbak ng makakain, wala naman tayong nadidinig na mga tao na nagpa-panic at nagtutungo sa mga Simbahan para sa nauupos nilang pananampalataya.
Sa Mabuting Balita (Juan 6:22-29) pinaalalahanan ng ating Panginoong HesuKristo ang mga tao na, "Huwag ang pagkaing nasisira ang kanilang pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan". (Juan 6:27).
Maaaring nagpa-panic at nag-aalala rin ang mga taong ito kaya ganoon na lamang ang kanilang pagsisikap na hanapin si Hesus.
Subalit sinabi sa kanila ni Jesus na: "Totoo ang sinasabi kong ito. Hinahanap niyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog". (Juan 6:26).
Kulang na lamang sabihin sa kanila ni Kristo na huwag ang pagkaing nasisira ang kanilang hanapin kundi ang pagkaing maghahatid sa kanila sa buhay na walang hanggan.
Ang tinapay na tinutukoy ni Hesus sa Pagbasa ay ang literal na tinapay na nagawa niyang paramihin at ipamahagi sa limang libong katao. (Juan 6:1-15).
Subalit sa ilang Pagbasa sa Banal na Kasulatan, ang "tinapay" ay maaaring maglarawan sa mga materyal na bagay o kayamanan, kapangyarihan at iba pa na hinahanap ng mga tao. Dahil sa mga ito, nanghihina at nananamlay ang relasyon nila sa ating Panginoong Diyos.
Hindi naman kasalanan at ipinagbabawal ng Diyos na mangailangan tayo ng mga materyal na bagay at kasaganahan sa ibabaw ng lupa, ngunit tandaan lamang natin na ito ay nagiging kasalanan sa oras na sobra na tayong mahumaling, nagiging sakim at nakasisira na personal na relasyon natin sa Panginoon.
May mga nagpa-panic kung paano pa nila mapaparami ang kanilang kayamanan at ari-arian sa kabila ng nasa kanila na ang lahat ng bagay dito sa mundo. Gagawin nila ito kahit pa may mga tao na silang nayuyurakan.
Kaya ipinapaalaala sa atin ni Hesus sa Ebanghelyo na huwag tayong masyadong maligalig at mag-panic sa mga "pagkaing nasisira," sa halip ang pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan ang higit nating bigyan ng pansin na si HesuKristo mismo ang magkakaloob.
Sapagkat sinabi Niya: "Ako ang tinapay na nagbibigay buhay na bumaba mula sa Langit dahil mabubuhay kailanman ang sinomang kumain ng tinapay na ito". (Juan 6:51).
Ano nga bang dahilan at hinaharap natin si Kristo? Ito ba ay dahil gusto nating magbalik-loob sa Kaniya at magsisi sa ating mga kasalanan at tanggapin siya sa ating buhay bilang ating tagapagligtas? O kaya lamang natin Siya hinahanap ay dala ng ating mga pangangailan sa mga "pagkaing nasisira?"
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, tulungan Mo po kaming huwag masyadong mag-alala sa mga pagkaing nasisira. Sa halip, ang pagkaing magbibigay ng buhay na walang hanggan ang sana'y ipagkaloob Mo sa amin. AMEN
--FRJ, GMA News