Ikinuwento ni Steve Dailisan ang pinagmulan ng mahabang pagkakabigkas niya sa kaniyang pangalang "Steeeve" kapag nagbabalita siya noon sa Kapuso Network.
"Noong nag-uumpisa ako sa GMA, 'yung tawag ng sources namin, 'yung mga ini-interview namin, tinatawag nila akong 'Steeeve,' kung anu-ano, kasi maikli nga 'yung Steve," kuwento niya sa online talk show na "Just In."
"Eh 'yung mga kapatid ko, puro tig-dadalawang pangalan sila. Stephanie Joy, Sheryl Ann, Robert John, 'yung mga ganoon, tig-dadalawa," pagpapatuloy ni Steve, na isa na ngayong piloto.
Biro raw sa kaniya ng kaniyang ina, "Ako, Steve lang kasi sabi ng mommy ko, 'Ah lalaki ito tamad itong magsulat. So Steve lang.'"
Nagtaka raw si Steve kung bakit maikling pangalan lang ang ibinigay sa kaniya ng kaniyang ina.
"Binalikan ko 'yung mommy ko sabi ko, 'Ma tingnan mo, kung anu-ano 'yung tinatawag nila sa akin.' Sabi niya, hindi bale anak, long 'E' naman 'yan.'"
Dito na naisip ng noo'y Kapuso reporter na habaan ang unang "E" sa kaniyang pangalan para mas madaling matandaan ng mga tao.
"Sabi ko, 'Ah, long E pala ha.'... Tapos sabi nga ni Ma'am Jessica Soho, 'Steve tatlong E na lang.' So long E siya," sabi ni Steve.
"Oo, kasi importante sa reporters nu'n na kahit paano may recall ka, mas madali kasi, parang may imaginary trust 'yung mga tao sa'yo na parang, 'Ay, si [Steeve] ito ha, papa-interview ako.' So malaking tulong siya."
Umalis si Steve sa Kapuso Network noong Pebrero 2018 para tuparin ang pangarap niya na maging isang piloto.
Maging sa kaniyang pilot ID bilang First Officer sa Cebu Pacific, "Steeeve" rin ang nakalagay.
Gayunman, hindi naging madali ang lahat nang mawalan ng trabaho si Steve dahil sa pandemya. Hanggang sa muli siyang makabangon at maging public affairs manager ng Air Asia.--FRJ, GMA News